NAWALAN ng tirahan ang 1,600 pamilya nang tupukin ng apoy ang 800 bahay sa Las Piñas City kahapon ng madaling araw.
Base sa inisyal na ulat ni Las Piñas Fire Department Fire Marshal, Supt. Crispo Diaz, nagsimula ang apoy sa bahay ng isang Eduardo “Eddie” Angeles sa Manggahan Graymarville Compound Association, BF Resort, Talon Dos dahil sa napabayaang nakasinding kandila o nakatulugang nilulutong ulam dakong 3:00 am.
Agad kumalat ang apoy hanggang madamay ang daan-daang magkakadikit na bahay na pawang gawa sa light materials sa lugar.
Nagresponde ang mga pamatay sunog bandang 3:15 ng madaling araw ngunit naging problema ang napakalayong fire hydrant sa lugar kaya mabilis umakyat sa unang alarma ang sunog makalipas lamang ang limang minuto.
Muling itinaas ang alarma ng sunog sa Task Force Alpha dakong 4:20 am hanggang sa tuluyang maapula dakong 7:32 am.
Iniimbestigahan ng awtoridad kung ano ang sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng natupok na mga ari-arian.
( JAJA GARCIA )