Saturday , November 16 2024

Kano palpak na tiktik (Secret visit sa China tsismis) — Sec. Tugade

PALPAK na espiya ang mga Amerikano.

Ito ang buwelta  ni Transportation Secretary Art Tugade sa pahayag ni outgoing US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg na pumuslit siya sa China bago maluklok si Pangulong Rodrigo Duterte sa Palasyo noong nakalipas na Hulyo, na nagbigay daan sa paglobo ng puhunan at pangakong pautang ng Beijing sa Filipinas.

“If it is true that Ambassador Goldberg said that, then the fabled American “intelligence network” has miserably failed again. Tsismis ‘yan. I was never in Beijing in June! You can always examine my passport anytime,” aniya sa kalatas na ipinadala sa media.

Si Tugade ay kasama ngayon sa delegasyon sa official visit ni Pangulong Duterte sa Japan.

Ani Tugade, nagkakalat ng maling tsismis si Goldberg na magkasama sila ni Sen. Alan Peter Cayetano na lihim na nagpunta sa China noong nakalipas Hunyo.

Hinamon ni Tugade si Goldberg na busisiin ang kanyang pasaporte ano mang oras para patunayang hindi siya nagtungo sa China sa nasabing panahon.

Noong Martes ay isiniwalat ni Goldberg sa interview sa ANC ang nasabing lihim na biyahe sa Beijing nina Tugade at Cayetano.

“I don’t think this has been revealed publicly, but I know, that Senator [Alan Peter] Cayetano, President Duterte’s running mate, made an unpublicized trip to China in June along with Secretary [Arthur] Tugade. All of this actually were in train, I think. There were already discussions going on. I actually wasn’t all that surprised. I do know that the Chinese Ambassador and others in the Chinese business community were visiting [then] President-elect Duterte quite often in the month of June,” ani Goldberg.

Ilang beses nang binatikos ni Pangulong Duterte si Goldberg dahil sa aniya’y pakikialam sa kanya mula pa noong panahon ng kampanya sa isyu ng ginahasa at pinatay na Australian missionary hanggang sa extrajudicial killings sa drug war ng kanyang administrasyon.

Inilahad din ng Pangulo, ang malalim na galit sa Amerika ay nag-ugat sa masaker ng tropang Amerikano sa 6,000 Moro, karamihan ay kababaihan at paslit, sa Bud Dajo, Sulu noong 1906 sa panahon ng Filipino-American war.

Galit din ang Pangulo sa Amerika na aniya’y may kinalaman sa terror attacks sa Filipinas bunsod ng kaso ni Michael Terrence Meiring na nabuko na isang Central Intelligence Agency (CIA) agent  at matagal na nakabase sa Davao City bilang treasure hunter.

Noong 2002 ay aksidenteng sumabog ang ginagawang bomba ni Meiring sa kuwarto niya sa Evergreen Hotel sa Davao City.

Hindi inimbestigahan si Meiring dahil itinakas siya ng mga Amerikanong nagpakilalang mga ahente ng Federal Bureau of Investigation (FBI) mula sa ospital.

Namatay si Meiring sa US sa edad 76-anyos noong 2012 pero hindi inimpormahan ng Amerika ang lokal na hukuman sa Davao City na naglabas ng warrant of arrest laban sa kanya sa kasong illegal possession of explosives at reckless imprudence resulting in damage to property.

Ayon sa Pangulo, napako ang pangako sa kanya ni dating US Ambassador to the Philippines Francis Ricciardone na isusumite ang report ng Amerika sa kaso ni Meiring.

Isang nagpakilalang CIA agent ang nakipag-usap kay Duterte noong nakalipas na halalan ang inaarbor ang kaso ni Meiring.

( ROSE NOVENARIO )

About Rose Novenario

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *