GINAGAMIT ni ousted president at convicted plunderer Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang paninindigang kontra-Amerika ni Pangulong Rodrigo Duterte para palabasin na ang US ang nagpakana ng EDSA 2 at ilihis sa katotohanan na serye ng anomalyang kinasangkutan niya ang tunay na dahilan.
Ito ang pahayag ng isang political observer kaugnay sa warning ni Erap kay Duterte na baka magpakana ang US na patalsikin siya gaya nang sinapit niya.
Hindi aniya puwedeng ihambing ni Erap na isang sentensiyadong mandarambong ang sarili kay Duterte dahil ang Pangulo ay hindi nasangkot sa katiwalian mula nang pumasok sa serbisyo-publiko sa loob ng halos tatlong dekada.
Masama rin aniya sa panlasa ang pagpostura ni Erap na kontra-Amerika samantalang ang Visiting Forces Agreement (VFA) ay nilagdaan niya nang siya pa ang presidente noong 1999.
Ang VFA, Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), Mutual Defense Treaty (MDT), at iba pang di-patas na military treaties ang matagal nang ipinapanawagan ng iba’t ibang grupo na ipawalang bisa dahil walang napapala ang Filipinas.
Kaugnay nito, inihayag ni Communications Secretary Martin Andanar, iginagalang ng Palasyo ang payo ni Erap bilang naging Punong Ehekutibo ng bansa.
“That we appreciate the concern of Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada. And we will be guided by the wisdom of the Former President and other statesmen who have expressed their opinions on the policies of the President,” ani Andanar.
Hindi nagbigay ng komento si Andanar sa naging papel ni Estrada kung bakit umiiral ang VFA sa Filipinas.
( ROSE NOVENARIO )