NAGSAGAWA nang pag-iingay kamakalawa ang mahigit 400 bilanggo sa Navotas City Jail upang i-protesta ang pagbabawal sa mga preso na humawak ng pera sa loob ng bilangguan.
Dakong 3:00 pm nang magsimula ang noise barrage ng mga preso na ikinaalarma, hindi lamang ng pulisya na ang tanggapan ay nasa harap lamang ng city jail, kundi maging ang mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan na ilang metro lamang ang layo mula sa nasabing piitan.
Suportado ng mga kaanak ng mga bilanggo ang pag-iingay ng mga bilanggo laban sa ipinatutupad ng kooperatiba na pinangangasiwaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Depensa ni Chief Insp. Rioven Olivo, ang warden ng naturang bilangguan, kanilang ipinagbawal ang pagkakaroon ng pera ng mga bilanggo upang maiwasan ang bentahan ng droga sa loob ng piitan.
Dakong 6:00 pm nang kumalma ang mga bilanggo nang magtungo sa city jail si Mayor John Rey Tiangco, kasama sina Northern Police District (NPD) acting director, Senior Supt. Roberto Fajardo at Navotas Police chief, Senior Supt. Dante Novicio.
Mismong sina Mayor Tiangco at Senior Supt. Fajardo ang nakipag-negosasyon sa mga bilanggo at nangakong pag-aaralan at gagawa ng paraan upang maresolba ang usapin upang maiwasan ang ano mang kaguluhan.
( ROMMEL SALES )