IBINOTO natin si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pangarap na may pagbabago sa ating kasalukuyang kalagayan kaya’t tulungan natin siyang matupad ito para sa ating mga anak at sa darating pang henerasyon.
Naging matabil, maanghang at masakit ang kanyang mga pananalita sa ilang mga pagtitipong-internasyonal ngunit siya pa rin ang Pangulo nating kumakatawan sa kinabukasan nating lahat.
Malimit na siya ay mainitin ang ulo kapag ang punto na pinag-uusapan ay laban natin sa ilegal na droga, kriminalidad at kuropsiyon sa pamahalaan — iyan ay dahil bitbit sa kanyang balikat ang mga problemang ito na di nasolusyonan ng kahit kaninong administrasyon, Noon at nitong nakaraan.
Sa dami ng pula at masasakit na salitang ibinabato sa kanya sa lahat ng larangan, hindi naaantig ang Pangulong Duterte — sanay na siya rito dahil para sa akin, isa siyang street-smart kid from the block at nasa ugali na niya ang ‘di palalamang sa anumang diskurso, lalo pa at alam niyang siya ay tama.
At kung siya naman ay mali — agaran niyang ihinihingi ng paumanhin ang kanyang pagkakamali. “He mans up… and like a gentleman he apologizes for his mistake!”
Kung ang lahat sana ng mamamayang Filipino ay matututong magmahal sa ating inihalal na DU30, maaga nating mababanaagan ang liwanag na hatid ng pagbabagong ating inaasam-asam. Huwag naman sanang maging balat-sibuyas ang ilan sa ating mga kababayan na kapag ang Pangulong Duterte ‘e may mga blunder na nagawa, suriin muna nila kung ano ba ang puno at dulo ng ipinagkakaganoon ng Pangulo.
May dahilan siyang mainis hanggang makapagsalita nang hindi statesman-like sa mga pulong balitaan dahil mayroon siyang mga karanasang di natin batid. Para sa kanya, sa ganang akin, ang inis at galit sa mga nagdaang karanasan ay idinadaan niya sa pagsasambit ng mga pagmumura — hindi sa tao, kundi sa masaklap na nakaraang dala pa niya hanggang sa ngayon.
Naging mapusok siya sa pagbibigkas ng kanyang polisiya at iyon ay kitang-kita sa kanyang marubdob na pangarap na isaayos ang pamahalaan at ang buhay ng mamamayang Filipino… walang pangulo akong nakita, sa buhay kong ito na magsisitenta — na yumuyukod sa harapan ng nagpupulong na tao sa tuwing siya ay maaanyayahang dumalo.
Mandin, walang pangulo akong nakita na sa dami ng kanyang mga tagahanga at naniniwala sa kanyang busilak na puso upang maging isang serbisyo-sibil, nakukuha pa niyang maging “cool” at “game” at siya pang nagsisilbing “livewire” sa mga piging.
Ang isang kusing na hiling ng Koyang ninyo e simple lang: Ginoong Pangulong Duterte, hinay-hinay po sa tuwing bubuka ang inyong bibig — sana ay matutunan ninyong maging sibil sa mga taong hindi taga-Filipinas sapagkat saan mang lupalop sa mundo ay mayroon at mayroong mga Filipino na dala ang inyong pangalan —pangalang ipinagkakapuri sa lugar na kanilang kinarorooan — pangalang may pangako ng bagong Filipinas!
SOUNDING BOARD NI KOYANG – Jesus Felix B. Vargas