TAYABAS CITY – Naaresto ang isa pang kaanak ng sinasabing bigtime drug peddler sa lalawigan ng Quezon sa isinagawang drug operation ng mga operatiba ng QPPO-PIB, PAIDSOTG at Tayabas City PNP sa San Juan Estates Subdivision, Brgy. Isabang, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni Supt. Art Brual, chief of police, kay QPPO Director, Senior Supt. Antonio Candido Yarra, kinilala ang nadakip na si Rhine Christine Briones Alcala, 38, negosyante, sinasabing miyembro ng Alcala drug group at asawa ni Sahjid Alcala na pamangkin nina dating DA Secretary Procy Alcala at 2nd District Rep. Vicente Alcala.
Dakong 2:00 pm nang isilbi ng mga awtoridad sa bahay ni Rhine Christine ang search warrant na inisyu ni Hon. Judge Agrifino Morga ng San Pablo City RTC, kaugnay sa kasong paglabag sa RA 9165.
Noong nakaraang Agosto, sinamahan ni Rep. Alcala sa Lucena PNP headquarters upang sumuko ang kanyang kapatid na si Cirilo “Athel” Alcala at pamangkin na si Sahjid ngunit kalaunan ay pinakawalan dahil wala pang kinakaharap na kaso.
Sa pangalawang linggo ng Setyembre 2016 ay naaresto sa Leveriza Heights Subdivision sina Toni Ann Alcala, at Maria Fe, anak at asawa ni Athel.
( RAFFY SARNATE )