PIKIT, North Cotabato – Awayan sa lupa ang ugat ng sagupaan nang magkaaway na dalawang pamilya sa probinsiya ng Cotabato, nagresulta sa pagkasugat sa apat na batang biktima.
Kinilala ang mga nasugatan na sina Mamaida Palao, 3; Ashmira Usman, 9; Norudin Usman, 5, at Hamida Usman, isang taon gulang at mga residente ng Brgy. Bualan, Pikit, North Cotabato.
Ayon kay Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office, habang naglalaro ang mga biktima sa loob ng kanilang bahay biglang tumama ang bala ng M79 grenade launchers at sumabog.
Ang mga nasugatan ay mabilis na dinala ng kanilang pamilya sa Cruzado Medical Hospital sa bayan ng Pikit at patuloy na nagpapagaling.
Bago ang pagsabog, nagkasagupa ang dalawang magkaaway na pamilya na kapitbahay ng mga biktima.
Agad kumilos si Pikit Mayor Muhyren Sultan Casi at Cotabato Governor Emmylou “Lala” Mendoza para ayusin ang gusot ng dalawang pamilya na pawang mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sinasabing may personal na alitan sa lupa na kanilang sinasaka ang magkabilang panig.