Pekeng Dok kalaboso sa panghahalay
Hataw News Team
June 23, 2016
News
HINDI lang mga sindikato ng droga ang nakakaramdam ng init, isang linggo bago maupo si incoming President Rodrigo Duterte dahil pati ang mga sangkot sa ibang krimen ay isa-isa nang nalalaglag sa bitag ng batas gaya ng isang hayok sa laman na inaresto ng pulisya sa Lungsod ng Caloocan ngayong linggo.
Sinampahan ng kasong panghahalay at sexual assault si Jose Norlito Fruto na naaresto sa Caloocan nitong Hunyo 16, taon kasalukuyan matapos sampahan ng reklamo ng biktimang batang lalaki.) )
Si Fruto ay inihabla sa ilalim ng Article 266-A ng Revised Penal Code hinggil sa sexual assault o panghahalay.
Isinilbi rin kay Fruto ang isang warrant of arrest dahil sa pagpupumiglas at pagtangging maaresto nang isailalim sa kustodiya ng pulisya sa nasabing lungsod.
Napag-alaman, hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot si Fruto sa paglabag sa batas.
Siya ay nauna nang naaresto ng mga kagawad ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagpapanggap na isang doktor, kasama ng kanyang alalay na nagngangalang James Irvin Tarampi.
Ang dalawa ay inaresto noong 2013 sa isang entrapment operation ng NBI sa isang clinic sa Caloocan City, nang magreklamo sa nasabing ahensiya ang biktimang may sakit sa puso na si Elena Roque Pascual.
Nagpakilala umano ang nasabing suspek bilang isang espesyalista sa puso o cardiac specialist.
Kapag napatunayang nagkasala sa kasong sexual assault, si Fruto ay hahatulan ng pagkakakulong sa loob ng dalawampu hanggang apatnapong taon sa piitan.) )
Mariin ang pangako ni incoming president Rodrigo Duterte na pipilayan niya nang husto ang kriminalidad sa loob ng anim na buwan sampu ng tinatawag na “zero-tolerance approach” sa mga alagad ng batas.
Hinilling din niya sa papasok na Kongreso na ibalik ang pagpataw ng parusang bitay sa mga kriminal na sangkot sa ilegal na droga, sindikatong gun-for-hire at maging ang mga mapapatunayang gumawa ng karumaldumal na krimen gaya ng mga rapist, holdaper at karnaper na pumatay ng biktima.