Give President Digong Duterte a chance
Jimmy Salgado
June 9, 2016
Opinion
NAPAKAHALAGA po itong plano ni incoming president Rodrigo Duterte na wakasan ang pamamayagpag ng illegal na droga sa ating bansa.
Makikita kung gaano siya kaseryoso laban sa mga drug lord. Walang sinisino, masagasaan na ang masagasaan basta’t sa ikasusupil ng kriminalidad sa ating bansa. Nagbabala rin siya laban sa mga protektor ng illegal na droga lalong-lalo ang mga pulis na sangkot dito.
Sa aking pananaw, dapat unawain natin si Pangulong Digong sa kanyang pananalita. Ganoon siya at wala na tayong magagawa. Pangalawa nakikita naman na mababago ang kanyang style pag siya’y nakaupo na at nanumpa na.
Ang kanyang sense of humor ay tunay na nakatutuwa, kaya ‘wag na kayong magtampo dahil ganoon siya talaga. Nagtataka lang tayo dahil kung talagang kaibigan nila si Pangulong Digong, ‘wag na silang magtampo kung hindi sila maasikaso dahil president na siya at gahol na sa oras dahil sa napakaraming problema ng ating bansa na kanyang pinag-aaralan at appointments na dapat asikasuhin. Kung nagkataon lang na kaibigan natin si Pangulong Digong, ang una nating gagawin ay bigyan siya ng pagkakataong maipakita sa 15 milyong Filipino na bumoto sa kanya kung ano ang kanyang gagawin.
Bigyan natin siya ng panahon na makapag-isip nang tama at makapagpahinga. Give him a chance. Nakikita naman ang sinseridad at integridad ni incoming president Duterte na baguhin ang bansa natin.
Sa mga naririnig natin sa mga kaibigan sa Davao, talagang masipag si Digong pagdating sa trabaho. Uunlad ba ang Davao kung hindi siya marunong magpalakad? Tatagal ba siya sa pagka-Mayor kung hindi siya matino.
Ipagdasal natin ang kanyang panunungkulan na maging matagumpay para hindi na magkahati-hati ang ating bansa.
Congrats Mahal na Pangulong Digong!