Proklamasyon ni Pacbrod ipinababasura
Tracy Cabrera
June 7, 2016
News
INIHAIN ang isang petisyon para sa diskuwalipikasyon laban kay Rogelio ‘Ruel’ Pacquiao, kapatid ni Pinoy boxing icon at senator-elect Manny Pacquiao, sa ilalim ng Rule 25 ng Rules of Proceudre ng Commission on Elections (Comelec) na may reiteration ng mosyon para ideklara ang proklamasyon nito bilang ‘null-and-void’ alinsunod sa kautusan ng korte sa huling hearing noong Mayo 26, 2016.
Isinumite sa Korte ng complainant na si Megie ‘Jamby’ Ramos-Orig ang nasabing petisyon bilang tugon sa argument ng respondent na ang instant petition laban sa kanya ay nararapat i-dismiss dahil sa kawalan ng hurisdiksyon dahil naiproklama na si Pacquiao bilang panalo ng Provincial Board of Canvassers ng Sarangani province.
Ngunit ipinagpilitan ni Rmoas-Orig na ang argumento ni Pacquiao ay kulang din sa merito para pagbigyan ng Korte.
“Una, ang hurisdiksiyon kaugnay ng mga usapin sa eleksiyon, returns at kuwalipikasyon ng isang miyembro ng Kamara de Representantes ay nakaatang sa Commission on Elections at nananatili hanggang sa pagdedeklara ng nanalo sa halalan, sumumpa na, at naupo sa puwesto,” anang complainant sa kanyang petisyon.
“Iprinoklama ang respondent bilang panalo ngunit walang katibayan na nanumpa na siya, at wala rin posibilidad na naupo na sa puwesto dahil iniaatas ng batas at Saligang Batas na ang panunungkulan ng lahat ng nahalal na kandidato ay nagsisimula sa tanghali ng Hunyo 30 ng taon na nahalal sila,” aniya.
Sa ganitong situwasyon, hanggang walang katibayan na naupo na ang respondent, nananatili pa rin sa Comelec ang hurisdiksyon sa disqualification petition.
Tinukoy din sa kaso ng kapatid ni Pacman, kailangan ideklara muna ng Comelec ang nullity ng proklamasyon para mapanatili ang hurisdiksyon nito sa kaso.
“Kapag hindi idineklara ng Comelec ang nullity ng proklamasyon, papayagan manumpa si Pacquiao at mauupo bilang miyembro ng Kamara de Representantes para sa Lone District ng Sarangani province at mapupunta ang kaso sa hurisdiksyon ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET),” diin ni Ramos-Orig.
Isa pang dahilan para sa deklarasyon ng nullity ng proklamasyon ni Pacquiao ay dahil hindi siya rehistradong botante ng Sarangani nang maghain ng kanyang kandidatura noong Oktubre 12, 2015.
Bukod dito, nag-apply lamang si Pacquiao ng transfer ng kanyang voter registration noong Oktubre 19, 2015 kaya malinaw at hindi na kailangan ng judicial o executive discretion para malaman kung ang respondent ay rehistradong botante ng Sarangani.