Friday , November 22 2024

Non-DepEd school sagot sa problema ng DepEd (Sa pagsisimula ng Senior High School Program)

MALAKI ang maitutulong ng mga Non-DepEd School upang matugunan ang kinakaharap na hamon ng Department of Education na kakulangan sa bilang ng mga pampublikong paaralan para Senior High School (SHS) Program na magsisimula nang ipatupad ngayong pasukan.

Ang mga Non-DepEd School ay mga institusyong pangkaalaman at kasanayan na hindi direktang nasasakupan o pinamamahalaan ng DepEd. Kabilang dito ang mga pribadong paaralan, Higher Education Institution (HEI), Technical-Vocational Institution (TVI), State University and College (SUC) at Local University and College (LUC).

Batay sa DepEd Memorandum Bilang 4 Taon 2014, ang mga paaralang nabanggit ay maaari rin maging SHS provider at tumanggap ng mga mag-aaral sa Grade 11 at 12 ngunit kinakailangan nilang dumaan sa proseso ng aplikasyon upang magkaroon ng “SHS Provisional Permit.” Sa tala ng DepEd, umaabot sa 5,025 ang bilang ng mga Non-DepEd School ang napagkalooban ng permit para maging SHS Provider. Ang mga paaralang ito ay handa nang tumanggap ng mga Junior High School (JHS) o Grade 10 Completer mula sa pribado at pampublikong paaralan lalo pa’t mayroong Voucher Program ang DepEd na nagbibigay tulong sa mga mag-aaral upang makapagpatuloy ng pag-aaral sa SHS.

Sa sistema ng Voucher Program ang isang JHS Completer ay maaaring makatanggap ng subsidy o tulong pinansiyal mula sa pamahalaan kung siya ay mag-aaral sa isang Non-DepEd School para sa SHS. Nakadepende ang halaga (voucher amount) sa lokasyon ng paaralan kung saan mag-eenrol ang isang mag-aaral. Halimbawa, kung ang isang Grade 10 completer na galing sa pampublikong paaralan ay mag-aaral sa isang kolehiyo sa Quezon City na bahagi ng National Capital Region (NCR), siya ay awtomatikong kuwalipikado sa halagang P22,500 tulong para sa kanyang tuition fee na diretsong ibabayad ng DepEd sa paaralan. Dalawampung libo naman ang tulong na maaari niyang mapakinaba-ngan kung siya ay mag-aaral sa isang Non-DepEd School na nasa Highly Urbanized City (HUC) katulad ng Angeles City, Cebu City, Davao City at iba pa. Bukod sa mga lugar na nabanggit, hanggang P17,500 tulong na ibibigay sa mga Qua-lified Voucher Recipient (QVR) na mag-aaral sa mga Non-DepEd School sa labas ng NCR at wala sa HUC.

Bilang pagtugon sa panawagan ng DepEd, marami sa mga Non-DepEd School ay walang top-up sa kanilang mga tuition fees. Ibig sabihin katumbas lamang ng halaga ng voucher ang kanilang sisingilin para sa pagpasok  ng mga mag-aaral sa kanilang paaralan. Ang ibang paaralan ay may alok na libreng uniporme at libro sa mga mag-aaral.

Bukod sa mga JHS completer sa mga pampublikong paaralan, pre-qualified na rin para sa voucher ang mga mag-aaral na benepisaryo ng Education Service Contracting (ESC) noong sila ay nasa JHS pa ngunit sa otsenta porsiyento (80%) lamang nang nabanggit na halaga. Ibig sabihin, ang isang batang ESC recipient na mag-aaral sa Maynila ay makatatanggap ng tulong sa halagang P18,000. Malaking tulong pa rin iyon kung tutuusin.

Maaari rin magkaroon ang iba pang mag-aaral mula sa pribadong paaralan pero kinakailangan nilang magpasa ng aplikasyon sa Philippine Educational Assistance Commission o PEAC. At batay sa pagsusuri ng mga dokumentong kailangang isumite, ang mapi-piling mag-aaral ay pagkakalooban ng Qualified Voucher Certificate (QVR) na kailangan nilang ipakita sa paaralang kanilang papasukan. Ngunit ka-tulad ng mga ESC recipient, hanggang 80% lamang ng ha-laga ng voucher ang maaari nilang magamit.

Kung inyong mapapansin, halos lahat  ng Grade 10 completer sa buong bansa ay may pagkakataon na mabigyan ng voucher. Katunayan, sa taya ng DepEd may kalahating milyon mag-aaral ang maaaring mag-avail nito ngayong taon.

Kung susuriin, ang eskemang ito ay praktikal na tugon sa pansamantalang kakulangan ng paaralan at silid-aralang pang-SHS. Ang mga mag-aaral na hindi matatanggap sa pampublikong paaralan dahil sa limitadong “absorptive capa-city” o dahil sa kalayuan ng kanilang tinitirahan ay maaaring mag-enrol sa pinakamalapit na Non-DepEd School sa kanilang lugar gamit ang kanyang voucher. Gayundin, kung ang track o strand o specialization sa SHS na napili ng isang mag-aaral ay hindi kasama sa curricular offering ng isang pampublikong paaralan, maaari niyang piliin ang Non-DepEd School na gusto niyang pasukan.

Bagamat ang nabanggit na bilang ay maaaring hindi pa sapat, magandang tingnan ang tinatawag na absorptive capacity ng bawat isa sa mga paaralang ito sapagkat ang mga HEI, SUC at HEI ay may higit sa tripleng kakayanan na tumanggap ng mag-aaral kaysa isang may regular na laking pampublikong paaralan katulad ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) na kayang tumanggap ng libo-libong mag-aaral mula sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Upang mas lalong maunawaan ang mahalagang gampanin ng mga Non-DepEd School, tingnan ito mula sa isang maykrolebel na perspektibo. Silipin ang Division Senior High School Implementation Plan (Division Implan) ng Dibisyon ng San Jose del Monte, isang lungsod sa Bulacan. Sa 18 pampublikong JHS sa lungsod na ito, 15 lamang ang may kakayanang mag-implementa ng SHS. Kung tutuusin, hindi sapat ang bilang na ito para sa mahigit 7,000 JHS completer mula sa mga nabanggit na pampublikong paaralan.

Gayunpaman, mayroong 47 Non-DepEd School sa pali-gid ng mga pampublikong paaralan na kuwalipikadong maging SHS provider. Ang mga batang hindi matatanggap sa mga pampublikong paaralan ay maaaring mag-enrol sa pinakamalapit na Non-DepEd School sa kanilang tirahan sa pamamagitan ng Voucher Program. Gayundin naman kung ang kurso na nais kunin ng mag-aaral ay hindi kabilang sa curricular offering ng pampublikong paaralan, maaari siyang mag-aral sa pinakamalapit na Non-DepEd school sa kanilang lugar. Kung pagsasamahin ang absorptive capacity ng 15 pampublikong paaralan at ng 47 Non-DepEd school sa lungsod, mahigit pa 12,000 estudyante ang kayang tanggapin sa mga paaralang ito. Katunayan, kaya pang tumanggap ng mga Non-DepEd School sa lungsod ng mga mag-aaral sa mga karatig na bayan tulad ng Norzagaray at Caloocan.

Ang pagiging SHS provi-der ng mga Non-DepEd School ay sagot sa mga isyu na kaa-kibat ng implementasyon ng SHS ngayong taon. Dahil sa pagbubukas ng SHS sa mga kolehiyo at unibersidad, nabawasan ang bilang ng mga propesor na maaaring mawalan ng trabaho bunsod ng dalawang taong vacuum sa kolehiyo. Dahil din sa pagbubukas ng SHS sa mga Non-DepEd School, nagkaroon ng kasagutan ang DepEd sa kakulangan ng bilang ng paaralang pang-SHS. Higit sa lahat, dahil sa Non-DepEd School, ang mga mag-aaral na papasok sa Grade 11 ngayong taon at Grade 12 sa susunod na taon ay magkakaron ng probisyon sa SHS. ‘Yun nga lamang, da-pat piliin ng mga magulang ang tamang paaralan para sa kanilang mga anak.

Walang masama kung malaki ang bahagdan ng mga mag-aaral galing sa pampublikong paaralan ay lilipat sa mga Non-DepEd School sa mga unang taon ng implementasyon ng SHS. Hindi ito nagpapatunay ng kawalang ka-handaan ng pamahalaan na ipatupad ang programa. Sa kabilang banda, ito ay isang estratehikong paraan upang masolusyonan ang problemang kinakaharap ng DepEd sa patuloy na pagtataguyod sa K to 12 Program na sinimulan noong 2011. Sa estratehiyang ito, parehong makikinabang ang DepEd at mga Non-DepEd School. Ang una, sa paglutas sa kakulangan ng mga pampublikong paaralan na pang-SHS habang ang pangalawa, sa pagpapa-taas ng enrolment sa kanilang paaralan dahil sa Voucher Program. Kulang ang 5,993 pampublikong paaralan para sa SHS program. Ngunit sa tulong ng 5,025 Non-DepEd school, masisiguro na ang bawat isa sa 1.3 milyon Grade 11 ay may probisyon sa SHS sa nalalapit na pasukan.

ni Marlon P. Daclis

About Marlon Daclis

Si Marlon Paycana Daclis, ay Education Program Supervisor I mula sa DepEd City of San Jose del Monte. Miyembro rin siya ng K to 12 Speakers’ Bureau.

Check Also

DOST NSTW Cagayan de Oro City

DOST brings nat’l science, technology, and innovation week in Cagayan de Oro City

The Department of Science and Technology is set to hold the 2024 National Science, Technology, …

DOST-PCCI innovation hub to boost enterprises’ growth

In a landmark collaboration aimed at bolstering the nation’s innovation and economic growth, the Department …

DOST Teams Up with Wadhwani Foundation to Accelerate Filipino Innovation

DOST Teams Up with Wadhwani Foundation to Accelerate Filipino Innovation

THE Department of Science and Technology (DOST) and the Wadhwani Operating Foundation have signed a …

Krystall Herbal Oil, mosquito bite, Kagat ng lamok

‘Papak ng lamok’ sa Dengue season pinahina ng Krystall Herbal Oil

Back to BasicNATURE’S HEALINGni Fely Guy Ong Dear Sis Fely Guy Ong,          Ako po …

Krystall herbal products

OFW tuwang-tuwa sa mga pabaon na produktong Krystall ng FGO

Back to BasicNATURE’S HEALINGni Fely Guy Ong Dear Sister Fely Guy Ong, Ako po ay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *