OIC sa BOC hinagupit (Buwan kung umaksiyon sa mga angkat na produkto)
hataw tabloid
April 20, 2016
News
KINONDENA kahapon ng nagrereklamong mga importer ang isang mataas na opisyal ng Bureau of Customs dahil sa obyus umanong pagpapabaya sa kanilang hiling na bilisan ang proseso ng mga angkat na produkto.
Sa isang manipesto, tinukoy ng mahigit 100 miyembro ng samahan ng malalaking mangangalakal sa bansa ang umano’y usad-pagong na galaw ng pag-iisyu ng clearance sa Assesment and Operations Coordinating Group.
Ayon sa mga mangangalakal, sobrang malaki na ang prehuwisyo sa kanilang hanapbuhay ng nasabing opisina na pinamunuan ng officer in-charge na si Juvy Denofrata.
“Mahigit tatlong linggo na, ang iba’y mahigit isang buwan, nang nakabitin sa opisina ni OIC Denofrata ang aming papeles para sa import assessment system clearance na kanyang pinamamahalaan,” pahayag ng mga nagreklamong mangangalakal sa kanilang manipesto.
Anila, hindi nila maintindihan ang dahilan ng pagkabinbin ng kanilang clearance sa IAS “dahil kompleto ang aming mga dokumento at walang sinasabi kung ano ang diperensiya ng isinumite naming mga papeles.”
“Pero obyus sa aming obserbasyon na nangangapa pa talaga si Denofrata at hindi alam ang kanyang gagawin para maiproseso nang mabilis ang aming mga papel dahil nga sa siya’y baguhan lang sa BOC bilang OIC ng nasabing tanggapan,” dagdag na pahayag ng mga mangangalakal.
Sa pagtatapos na pahayag, kinuwestiyon din ng grupong mangangalakal ang hindi pagtugon ng hepe ng BOC na si Alberto Lina sa problema sa AOCG, partikular ang mabagal na aksiyon ni Denofrata na nagdudulot umano ng malaking pagkalugi sa kanilang hanapbuhay.
Sinikap ng mga mamamahayag na kunin ang panig nina Denofrata at Lina, pero tumanggi silang magpa-interbyu.