PNP ‘apolitical’ nga ba?
Jesus Felix Vargas
April 16, 2016
Opinion
SA mga huling ulat sa lahat ng pahayagan mula noong pumutok ang balita na nakita ng mediamen ang apat na heneral ng PNP na umano’y kausap ang isang staff ng isang presidentiable sa Nuvotel sa Cubao, Quezon City hanggang kahapon, maraming mga kasama sa pagsusulat ang di-makapaniwala na hindi ito kulay-politika tulad ng isang nagpahayag na sila’y nagmiting lang umano sa nasabing lugar.
Mabuti naman at naging media sensitive din ang pamunuan ng PNP at ito ay agarang inilinaw ng kaibigang PCSupt Wilben Mayor, Chief PIO ng PNP at nitong huling pahayag ay sinabi ni PDG Ricardo Marquez na ang apat ay nahaharap sa imbestigasyon ng PNP Internal Affairs Office. Kilala ko ang tatlo sa kanila, sina PCSupt Jun Cerbo na dating Chief PIO ng PNP, si PCSupt. Bernardo Diaz na dating kasama sa WPD noong early 2000; at si PCSupt. Ronald Santos na ngayo’y Regional Dep Director ng PRO CALABARZON.
Pawang miyembro sila ng PMA “Maharlika” Class 1984. Nakatrabaho ko sila sa mga taon na aktibo pa sa serbisyo sibil at maikokompara ko ang katatagan, husay at loyalidad sa sinumpaang tungkulin na kanilang dictum sa pinanggalingang Alma Mater, ang Philippine Military Academy.
Kung hindi ako namamali, ang kanilang pagpupulong sa lugar na iyon ay para sa kanilang klase at tulad ng sinabi nga sa akin ng isa sa kanila “pati kami yata ay napopolitika na.” Kung ano ang puno at dulo ng usaping ito na nagtulak sa “pinagpipitagang Maharlika Class 84” na masangkot sa umiinit na politika sa bansa ngayon, ay malalaman natin bago sumapit ang eleksiyon sa Mayo 9 tulad ng ipinahayag ni Marquez kahapon.
Kung sa akin, ang pagiging walang kinikilingan o kinakampihang partido politikal ng PNP ay sadyang nakaukit na sa batas at alituntunin nito mula’t sapol pa noong kilala bilang Philippine Constabulary. Sadyang ‘di dapat kumampi o mangampanya ang isang pulis sa anomang eleksiyon. At kapag may napatunayang lumabag dito, malamang na siya ay matanggal sa serbisyo.
Ang sinomang unipormadong pulis o sundalo ay saklaw ng batas na sa isang political exercise they should remain apolitical. At kung ang apat na heneral na nasasanggkot ay may kasalanan dahil sa paglabag dito, dapat lang silang maparusahan… at kung wala naman, dapat lang na huwag nang palawigin pa ang pambabaterya sa kanila sa ano mang tri-media at ikokonekta pa sila sa away ng mga politikong nagtutunggalian sa darating na Mayo 9.