Goons ni Recom kalaboso
Hataw News Team
April 15, 2016
News
KULONG ang inabot ng dalawang tauhan ng kumakandidatong mayor ng Caloocan City na si Cong. Recom Echiverri matapos silang manggulpi ng may bitbit na poster ni Mayor Oscar Malapitan sa panulukan ng D. Aquino St. at 9th Ave.
Nakakulong ngayon sa Caloocan City PNP headquarters sina Frederico Perez y Roy, 44-anyos; at Reynaldo Paras y Ortega, 63-anyos matapos nilang gulpihin si Kyle Crisostomo, 14-anyos dahil may hawak na poster ni Mayor Oca.
Ayon kay Kgd. Ernie Crisostomo ng Brgy. 74, naglalakad silang mag-ama na may bitbit na posters ni Mayor Malapitan nang biglang may pumaradang sasakyan at bumaba ang mga kalalakihan, hinablot lahat ng posters at gamit nila, pinagtulakan, at ginulpi ang kanyang 14-anyos na anak na si Kyle.
“Napakalaking duwag naman pala ang mga goons ni Recom. Heto akong malaking tao, ang pinagdiskitahan pa nila ang maliit na anak kong 14-anyos lang, na alam nilang walang kalaban-laban,” ayon kay Kagawad Crisostomo.
Kaagad nagreklamo sa pulis ang mag-amang Crisostomo at nagsampa ng kasong physical injury to a minor, at assault against a barangay official. Ipina-medico legal din ang mga pasa at sugat sa katawan ng batang Crisostomo. Kaagad nadakip ng pulisya ang dalawang suspek.
Nanawagan si Crisostomo na huwag magpagamit sa mga masasamang politiko dahil tiyak sa kulungan ang bagsak nila.
Nauna rito, nakatanggap ng tawag ang DPSTM o Department of Public Safety and Traffic Management na maraming nagdidikit ng poster ng kandidato sa mga pribadong establisyemento nang walang paalam sa Tirona St., bandang ala-una ng madaling araw.
Nadatnan ng mga DPSTM officers ang walong kalalakihan na nagdidikit ng mga poster ni Recom Echiverri sa mga pribadong kabahayan. Nang sila ay kapkapan, nakakuha ang mga officers ng ice pick, balisong, kutsilyo at limang iba pang uri ng mga patalim.
Umamin ang mga suspect na kanila ang mga patalim kaya agaran silang ipinakulong sa pulisya at sinampahan ng illegal possession of deadly weapons.