Duterte bagong ‘Pol Pot’ ng ASEAN
Hataw News Team
April 15, 2016
News
LABIS ang takot ng maraming Filipino sa ulat na kandidato ng National Democratic Front (NDF) si Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte lalo’t nangako siya na magpapatupad ng ‘kamay na bakal’ kaya posibleng siya ang maging ikalawang “Pol Pot” ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Ayon kay Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) secretary general Rodel Pineda, sa naging asal ni Duterte na nagawang pagmumurahin si Pope Francis ay maitutulad siya sa dating lider ng Cambodia na si Pol Pot na nagsagawa ng genocide o pagmasaker sa mahigit dalawang milyon katao sa nasabing bansa noong 1975 hanggang 1979.
“Sa pag-amin ni Digong na may kinalamann siya sa Davao Death Squad na nagpapatay ng mahigit 1,700 katao sa kanyang lungsod, nakatatakot na pamunuan niya ang buong Filipinas,” diin ni Pineda. “Kung totoong pati ang mga bata at inosenteng mamamayan ay ipinalikida niya, malaking banta siya sa demokrasyang ipinaglaban natin sa pamamagitan ng Peoples Power noong 1986 para mapatalsik ang rehimeng Marcos.”
Maraming nangangamba, lalo ang mga edukado, elitista at may-kaya sa posibilidad na maulit sa Filipinas ang naganap sa Cambodia noong 1976 hanggang 1979 na mahigit dalawang milyon katao ang namatay nang pamunuan ng komunistang Khmer Rouge ang nasabing bansa kapag nanalo si Duterte.
“Mababalewala ang demokrasyang ipinaglaban natin sa EDSA Revolution noong 1986 kung mamumuno sa Malakanyang ang berdugo at barbarong tulad ni Duterte,” giit ni Pineda. “Sa pag-amin niyang nagpapatay sa DDS ng mahigit 1,700 katao, malinaw na nilabag niya ang karapatang pantao ng mga biktima. Napakaimoral ni Duterte, walang galang sa karapatan ng kapwa tao.”
May ulat na suportado ng Communist Party of the Philippines – New Peoples Army (CPP-NPA) ang kandidatura ni Duterte kaya maikokompara siya kay Pol Pot, ang lider ng komunistang Khmer Rouse na nagpatupad ng tinatawag na “Cambodian Holocaust” at nagpamasaker ng dalawang milyon katao sa loob lamang ng apat na taon.