Monday , December 23 2024

Sylvia, nagi-guilty ‘pag pinag-uusapan ang tungkol sa tatay; Luneta Park, pinaka-hate na lugar

00 fact sheet reggeeTOTOO talaga ang kasabihan na kapag magaling kang artista ay tiyak na may pinaghuhugutan pagdating sa pag-arte.

Si Sylvia Sanchez ay masasabing magaling na artista at ang alam naming pinaggagalingan ng pag-arte niya ay ang mga naging karanasan niya sa buhay noong nagsimula palang siyang mag-artista dahil nalinya siya sa sexy films.

Bukod dito ay dala rin marahil ng kahirapan sa probinsiya kaya isa iyon sa nagpalakas ng loob niya kaya sa murang edad ay lumuwas ng Maynila para makipagsapalaran.

Pero hindi namin alam na ang tunay na dahilan pala kaya siya lumuwas ng Maynila at nagsikap sa sarili hanggang sa marating ang kinalalagyan niya ngayon ay dahil sa tatay niya na iniwan silang mag-iina.

Yes Ateng Maricris, ikinuwento ni Ibyang ang tungkol sa tatay niya sa ginanap na presscon ng Super D na bagong fantaserye ng Dreamscape Entertainment na pagbibidahan ni Dominic Ochoa kasama si Marco Masa.

Hiningan kasi ang lahat ng cast kung ano ang mga alaala nila sa kanilang mga ama bilang Super D or super dad.

May malungkot at masayang alaalang ikinuwento sina Jason Francisco, Jason Gainza, direk Frasco Mortiz, Direk Lino Cayetano, Atoy Co, Marina Benipayo, Simon Ibarra, Jeff Gaitan, Bong Regala, Myrtle Sarrosa, Nonie Buencamino, at Marco tungkol sa mga Super daddy nila.

At ng si Ibyang na ang magsasalita ay nagulat ang lahat.

Habang ipinakikita ang litrato ng ama ng aktres na si Mr. Roberto Campo sinabi ni Ibyang na, ”san ba nakuha ‘yan, tinamaan n’yo ko rito, eh, actually, isa ito sa (ayaw pag-usapan), hay, puwede bang skip ang tanong?” sabi ng aktres.

”Hanggang ngayon, basta tatay ang usapan, sobra akong guilty. Sa ngayon, natutuwa ako sa mga naririnig ko sa inyo (cast) kasi na-experience n’yo (nakasama ang ama).

“Ako (kasi), inabandona kami ng tatay ko. Lumaki ako na paborito ako ng tatay ko, kasi seaman ang tatay ko tapos pag-uuwi siya ng Manila papuntang Mindanao, nakikita ko may malaki siyang supot ng chiz curls sa akin lang ‘yun at ‘yung isang supot, para sa limang kapatid ko at kamag-anak ko, hati-hati sila roon. So, namulat ako na paborito ako ng tatay ko at sobra kaming close.”

Nabanggit din ng premyadong aktres na ayaw na ayaw niyang dumayo o pumunta ng Luneta Park.

“Until now, pinaka-hate ko ‘yung makakatanggap ng taping ‘pag sa Luneta. Ngayon ko lang sasabihin, ayaw na ayaw kong magte-taping sa Luneta kasi iyon lang ‘yung magandang memory ko sa tatay ko.

“Dinala niya ako sa Manila Zoo at Luneta, ‘yun lang ‘yung nag-iisa (alaala) kaya ‘pag pumapasok ako sa lugar na ‘yun, umiiyak talaga ako. ‘Yun ‘yung magandang alaala ko sa tatay ko.

“Noong inabandona niya kami, nagtampo at nagalit ako sa kanya. Nagalit ako hindi para sa akin kundi para sa lima kong kapatid. Pero masasabi ko na super (D) ang tatay ko kasi dahil sa pag-abandona niya, ginawa kong positibo sa buhay dahil paborito niya ako, ako ‘yung nagsabi sa (pamilya) na kahit ganyan ang ginawa mo (tatay), gagawin kong challenge ‘yun at ako ang magiging tatay sa pamilya, sasaluhin ko (obligasyon). Ako magpapa-aral sa lahat, ako lahat-lahat na ginagawa ko ‘yun hanggang ngayon.

“At gusto kong sabihin sa inyo na nagawa ‘ko yung materyal na bagay, nagawa ko ‘yung lahat, pero hanggang ngayon, isa lang ang hindi ko nagawa, ang pagmamahal ng tatay para sa mga anak.

“At super ang daddy ko kasi dahil sa ginawa niya, heto ako ngayon sa harap n’yo, nagpursige, nangarap, ‘yung gusto kong marating na ipakita ko sa tatay ko ay kaya kong gawin kahit iniwan kami, kaya ko at nagawa ko at masaya ako dahil ‘yung galit na iyon ay nawala noong naging successful ako sa buhay ko,”mahabang kuwento ng aktres na halatang pigil na pigil ang pagtulo ng luha.

Hirit pa, ”kaya naniniwala ako na kahit na broken family kayo ay may karapatan kang maging gago, may karapatan kang magwala sa buhay mo, hindi, choice mo ‘yun. Kung ano ang naging tayo at sa pagtanda natin, choice natin ‘yun.

“Idinadasal ko sa buong career ko na sana ‘wag akong magkaroon ng (offer) na ang istorya ay tungkol sa mag-ama dahil talagang tatanggihan ko, aayawan ko talaga,” diretsong sabi ng aktres.

At naalala pa niya noong Esperanza at BKK days ay may eksena raw na kukunan sa Luneta, ”two hours hindi ako makababa sa kotse kasi iyak ako ng iyak. Pagbaba ko, tahimik lang ako.”

Buhay pa ba ang daddy ni Ibyang? ”May nagsasabing mga kasamahan niya (barko) na patay na, may nagsabi na two years ago patay na. May nagsabing buhay pa raw at nasa Rio de Janeiro (Brazil).”

Sa tanong kung bakit hindi hanapin ni Ibyang ang daddy niya.

“Actually ang gustong maghanap sa tatay ko ay sina Arjo at Ria kasi gusto nilang makita ang hitsura ng lolo nila, kasi siyempre alam nilang buhay, so feeling nila may kulang.

“Ako naman gusto ko siyang mahanap, sabi ko, ang taong gustong magpakita, magpapakita, ang taong hindi gustong magpakita, ayaw. Tagal na kaming hindi nagkita, grade 5 lang ako noong huli kaming magkita,” kuwento ni Ibyang.

IBANG PAMILYA SA BRAZIL

At kaya napunta ng Brazil ang papa ni Ibyang, ”seaman kasi siya, nag- jump ship siya tapos nakakilala ng tagaroon, hayun may pamilya na. Ang alam ko may dalawa siyang anak sa isang Brazilian, grade 6 ako noon kasi nakita ko ang picture na ibinigay niya sa lola ko at sabi ko kung sino ‘yun, inagaw ng lola ko, pero nabasa ko na ‘yung dedication sa likod na sinasabing bago niyang pamilya at sobrang painful ‘yun sa akin.”

“Pero from grade 6 itinago ko, hindi ko sinabi sa nanay ko, sinabi ko lang sa nanay ko ‘yan, 3 years ago. Kasi nakita ko na open na si nanay, moved on na siya kaya na niya kaya sinabi ko, actually nanay ko, naghihintay sa tatay ko, feeling ko alam niya buhay pa tatay ko, pero sabi ko, hala, wala na ‘yun kaya mag-asawa ka na. Pero ayaw niya at kami na lang daw aalagaan niya.”

Sa ngayon ay masaya siya sa piling ng asawang si Art Atayde bilang Super D sa mga anak nila.

Mapapanood na ang Super D sa Abril 18, Lunes bago mag-TV Patrol mula sa direksiyon nina Frasco Mortiz at Lino Cayetano.

FACT SHEET – Reggee Bonoan

About Reggee Bonoan

Check Also

Rufa Mae Quinto Trevor Magallanes

Rufa Mae go-go-go pa rin kahit maraming problema

MA at PAni Rommel Placente MARAMI ang humanga sa pagiging positibo ni Rufa Mae Quinto …

Enrico Roque

Paghuli kay Mayor Roque nakabibigla

PUSH NA’YANni Ambet Nabus SOBRANG shock din ang mga nakakikilala kay Pandi, Bulacan Mayor Enrico …

Bobby Garcia

Theater director Bobby Garcia pumanaw sa edad 55

PUSH NA’YANni Ambet Nabus PUMANAW na rin at 55 years old ang kilalang stage actor-producer-director …

Atong Ang Sunshine Cruz.

Atong Ang inamin relasyon kay Sunshine

INAMIN ng negosyanteng si Atong Ang na may relasyon sila ng aktres na si Sunshine …

Bong Revilla Jr Boss Toyo Beauty Gonzalez Walang Matigas Na Pulis sa Matinik Na Misis

Sen Bong walang nakikitang mali sa mga lalaking takot sa kanilang misis 

MATABILni John Fontanilla MATALINO, mapagmahal, may puso. Ito ang paglalarawan ni Senador Bong Revilla sa …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *