Chiz panalo sa VP debate (Sa SWS mobile survey)
Hataw News Team
April 14, 2016
News
MAS pinili ng independent vice presidential candidate na si Sen. Chiz Escudero ang humiwalay sa bangayan ng mga kalahok sa una at natatanging debate ng mga kandidato sa vice presidential debate sa ilalim ng pangangasiwa ng Commission on Elections (Comelec) sa University of Santo Tomas noong Linggo at siya ang lumabas na panalo na isa sa tatlong botante ang pumili sa paraan ng Bikolanong senador sa pakikipagtalakayan.
Ayon sa pinakahuling “Bilang Pilipino Social Weather Stations Mobile Survey” ng TV5, 33 porsiyento ng mga sumagot ang nagsabing si Escudero ang nanalo sa debate na sinundan ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo ng Liberal Party na nakakuha ng 24%.
Umabot sa 22% ng mga sumagot sa survey ang pumili kay Sen. Ferdinand Marcos samantalang 14% ang napunta kay Se. Alan Cayetano, apat na porsiyento kay Sen. Antonio Trillanes IV at isang porsiyento kay Sen. Gregorio Honasan.
Ang survey na isinagawa noong Lunes, April 11, ay may margin of error na plus or minus four percentage points. Sa kabuuang bilang na 1,200 respondents ng SWS mobile survey, 628 ang nagpadala ng kanilang sagot. 162 ang mula sa Metro Manila, 155 mula sa Balance Luzon, 160 mula sa Visayas at 151 sa Mindanao.
Si Escudero ang kumuha ng pinakamaraming pagbabanggit sa National Capital Region, Balance Luzon at Visayas samantala si Robredo ang nanguna sa Mindanao.
Kinompirma ng survey ang pananaw ng political analyst na si Prof. Edmund Tayao na nagsabing ang beteranong mambabatas ang “lumalabas na kalmado kung ikokompara sa ibang lumahok.”
“Siguro ay napagtanto niya na walang dahilan para umatake nang personalan. Kaya nga hindi siya nakialam sa pagtatanong na personal sa kahit na sinong mga katunggali,” ayon kay Tayao.
Isang araw matapos ang debate, inamin ni Escudero na wala sa kanyang pagkatao ang manira ng kalaban o umatake nang personal para umani lamang ng puntos laban sa kanila.
“Hindi ko ginawa ‘yon kagabi. Hindi ko ugali, hindi ko rin estilo ‘yon. Hindi ko kailangan sigurong apakan o sirain ang sinomang kapwa ko kandidato,” ayon kay Escudero sa panayam ng mga reporter sa Santa Rosa Laguna.
“Para sa akin siguro, naisulong ko kung ano’ng nagawa ko na at magagawa ko. Pero para maliitin ko ang ginawa o nagawa ng iba, o para mag-akusa ako o ituro ko ang kasalanan ng iba, siguro naniniwala ako alam naman na ng tao ‘yon. Hindi na kailangan magmula pa sa bibig ko.”