Poe tiwala kay Recom
Hataw News Team
April 4, 2016
News
MALAKI ang tiwala ni presidential bet Senadora Grace Poe sa kakayahang mamuno ni Caloocan City 1st District Congressman Atty. Enrico “Recom” Echiverri kaya’t siya ang napiling iendoso bilang alkalde ng lungsod.
Ayon kay Senadora Poe, sa tulong ni Echiverri na muling tumatakbong alkalde ng lungsod sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition (NPC) ay pagsusumikapan nilang sagipin ang mga taga-Caloocan sa kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na serbisyo.
Kabilang na rito ang pagpapalawig sa umiiral na Pangtawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s) na gagawin ng senadora na 5P’s dahil idadagdag niya ang pangkabuhayan para sa mga nakikinabang sa programang ito.
Malaki rin ang tiwala ni Poe kay Echiverri dahil nasubaybayan niya ang pagpapatakbo ni Recom sa lungsod kaya naman natapos niya ang tatlong termino bilang alkalde at nahalal muli bilang kinatawan ng unang distrito.
Aniya, sa pamamagitan ni Echiverri, kayang-kaya niyang ibalik ang nawalang sigla ng lungsod dahil halos tatlong taon na walang naibigay na maayos na serbisyo ang kasalukuyang administrasyon sa mga residente partikular sa pangkalusugan, peace and order at iba pa.
Sinabi ng senadora sa kanyang talumpati sa harapan ng libo-libong residente ng lungsod na hanggang makakaya ng kanyang gobyerno na maisama ang mga senior citizen sa 5P’s ay gagawin nila nang sa gayon ay may pagkunan ng pambili ng gamot.
Makikipag-ugnayan din siya sa mga pribadong kompanya upang mabigyan ng puwang ang mga may kakayahan pang senior citizen na makapagtrabaho dahil marami sa matatandang residente na bagama’t may edad na ay kayang-kaya pang magtrabaho.
Ipinangako ni Echiverri na paiigtingin niya ang pagsugpo sa ilegal na droga at iba pang krimen nang sa gayon ay hindi na nangangamba ang mga residente sa kanilang buhay at ari-arian sa pamamagitan ng pagbibigay ng buong suporta sa pulisya katulad ng ginawa niya noong nanunungkulan siyang alkalde ng lungsod.
Bago ang ginanap na proclamation rally sa Phase 3, Bagong Silang, nagsagawa ng motorcade ang team Recom at libo-libong residente ang nag-abang sa mga daraanan ng grupo ni Echiverri.
Naging mainit ang pagtanggap ng mga taga-Caloocan sa grupo ni Echiverri at naniniwala sila na muling makababalik si Recom bilang alkalde dahil sa mga nagawa niya sa tatlong terminong paglilingkod bilang punong lungsod at ngayon ay kinatawan ng unang distrito.