TINIYAK ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista na matutuloy ang eleksiyon Mayo 9.
Ito ay sa kabila nang pagpapatibay ng Supreme Court sa naunang desisyon nito kaugnay sa pag-imprenta ng Comelec ng voter verification paper audit trail (VVPAT) na gagamitin sa darating na halalan.
Ipinangako ni Bautista, sisikapin nilang gawin ang lahat ng kanilang makakaya matuloy lamang sa itinakdang araw ang darating na eleksyon.
Gayonman, posibleng maurong sa Mayo 23 ang pagdaraos ng eleksiyon ngayong 2016 kung babaguhin ang source code para bigyang daan ang karagdagang security feature ng voters’ receipt.
Ito ay batay sa timeline na iprinesenta ni Comelec Commissioner Christian Robert Lim.
Ayon kay Lim, masyadong mapanganib kung ipipilit ng Comelec na idaos ang eleksyon sa Mayo 9 kung babaguhin ang source code ng VCM.
Sa timeline ng Comelec, ang pagbabago sa source code, ang muling pagsalang nito sa review ng international certifier na SLI Global Solutions, at pagsalang ng VCM sa comprehensive testing gamit ang bagong source code, ay tatagal hanggang Marso 30.
Habang ang configuration ng SC cards ay inaasahang matatapos sa Abril 6, at ang pagsasagawa ng pre-election logic and accuracy testing ay tatagal hanggang May 9.
Sisimulan naman ang deployment ng VCM sa Abril 24, ang re-training ng Board of Election Inspectors ay gagawin Abril 10 hanggang Abril 30.
Ang mock elections ay gagawin naman sa Abril 5. Ang final testing and sealing ay Mayo 13 hanggang Mayo 18.
Ang overseas absentee voting ay sisimulan ng Abril 23 at ito ay tatagal ng isang buwan habang ang mismong ng eleksyon 2016 ay magaganap sa May 23.
VOTER’S RECEIPT RULING PINAGTIBAY NG SC, 12-0
PINAGTIBAY ng Supreme Court (SC) ang naunang desisyon nito kaugnay sa pag-imprinta ng Commission on Elections (Comelec) ng voter’s receipt sa May 9 elections.
Sa botong 12-0, pinagtibay ng Korte Suprema ang naunang desisyon na nag-aatas sa Comelec na mag-imprinta ng voter’s receipt.
Ito’y makaraan ang oral argument kahapon ng umaga.
Nauna nang nagdesisyon ang kataas-taasang hukuman sa botong 14-0, na dapat mag-imprinta ng voter’s receipt ang poll body.
Ngunit naghain ng motion for reconsideration ang Comelec. Iginiit ng Comelec na magpapahaba ito sa voting hours.
Ayon pa sa Comelec, may pangambang ma-postpone ang halalan kapag natuloy ang pag-imprinta ng voter’s receipt.