IBINUNYAG ng Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) ang maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) nang marami sa mga kumakandidato ngayon tulad nina dating Laguna Representative Edgar “Egay” San Luis, Valenzuela City mayoral candidate Rep. Magtanggol “Magi” Gunigundo at Caloocan City mayoral candidate at ex-Rep. Oscar “Oca” Malapitan.
Ayon kay 4K chairman Dominador Peña Jr., kabilang sina San Luis at Gunigundo sa 20 kongresista na naglaan ng halos P500 milyong PDAF na ibinuhos sa mga pekeng non-government organizations na hindi pag-aari ng “scam queen” na si Janet Lim Napoles.
Sa kaso ni Malapitan, naglaan din siya nang mahigit P50 milyon sa bogus NGO na Kalookan Assistance Council, Inc. (KACI) kasama nina LP presidential bet Manuel Roxas at Sen. Juan Ponce Enrile.
Ayon kay Peña, batay sa Special Audit Report mula sa Commission on Audit (COA), natuklasang ginamit nina San Luis at Gunigundo ang Technology Research Center (RTC) para maglipat ng PDAF sa mga pekeng NGO.
“Ang masama, batay sa SARO No. ROCS-07-07755 ang mga nakalistang benipisyaryo o scholars nina San Luis at Gunigundo ay pareho ang mga pangalan ng nagsipasa halimbawa sa CPA (Certified Public Accountants) exams noong October 2007 kaya malinaw na kinopya lamang ng pekeng NGO ang 1,090 board passers sa kabuuang 2,299 pumasa ng taong iyon,” ani Peña.
Sa papeles na hawak ng 4K sa PDAF releases ni San Luis mula 2010 hanggang 2013, pinalabas niya na marami siyang scholars sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa ikaapat na distrito ng Laguna pero kaduda-duda ang mga pangalan ng benipisyaryo batay sa report ng COA.
“The (COA) Team also noted that part of the list of reported beneficiaries submitted by this NGO to the TRC under SARO No. ROCS-07-07755 were the same names published in CYs (calendar years) 2007 and 2008 as board passers of various professions,” ayon sa ulat ng COA.
Nakalista rin sa mga scholars nina San Luis at Gunigundo ang 620 scholars sa 1,289 na pumasa sa Bar examinations noong Setyembre 2007 at 905 sa 28, 924 na pumasa sa Nursing Borad Exams noong February 2008 kaya lalong nagduda ang COA.
Kay Malapitan, nabatid sa Special Audits Report No. 2012-03 Annex C ng COA, pinabulaanan ng 457 barangay chairmen sa Caloocan na mayroong proyekto sa kanila ang KACI, 179 nakalistang beneficiaries ang nagsabi na wala silang natanggap na ano mang biyaya, at 279 benepisyaryo na nakalistang tumanggap ng P1.159 milyon ang hindi makita sa kanilang inilistang address.
“Ngayon gusto pang magbalik ni San Luis bilang kongresista gayong hindi niya maipaliwanag sa COA kung lagda nga niya ang ginamit ng pekeng NGO sa kanyang PDAF noong nasa Kongreso pa siya,” dagdag ni Peña.
“And dapat, ibasura ng sambayanang Pinoy ang mga tulad nina San Luis, Gunigundo at Malapitan dahil malinaw na nagnakaw lamang sila sa kaban ng bayan.”