Libreng serbisyo sa ospital ibabalik ni Alfredo Lim
Hataw News Team
March 1, 2016
News
PAGBABALIK ng libreng serbisyo sa mga ospital ng lungsod ng Maynila at mababang multa sa mga pedicab at tricycle drivers.
Ito ang ilan sa mga tiniyak ng nagbabalik na alkalde ng Maynila na si Mayor Alfredo S. Lim sa ginanap na pakikipag-dialogo sa mga driver, kasama ang kanyang kandidato para congressman sa fifth district na si incumbent Councilor Josie Siscar at mga kandidato para konsehal na sina Borjet Mariano, barangay chair Jim Adriano, Abner Afuang at Jaime Co.
Prangkahang itinanong ng mga driver kung ibabalik ba niya ang libreng ospital na ipinatupad niya noong siya ang nanunungkulan.
Hindi naman nagdalawang-salita si Lim at agad niyang tiniyak sa mga driver na hindi lamang libreng serbisyo sa ospital ang kanyang ibabalik kundi maging ang mga libreng serbisyo medikal sa mga barangay health centers at lying-in clinics o paanakan, gayon din ang libreng paggamit ng sports complex at playgrounds na pawang may bayad na umano ngayon.
Sa ilalim ng administrasyon ni Lim ay nagpatayo siya ng limang ospital upang makakuha ng libreng serbisyo medikal ang mahihirap na residente ng Maynila.
Bilang dagdag sa kanyang inabutan na Ospital ng Maynila na kanya ring ipinaayos, ipinatayo ni Lim ang Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Tondo, Justice Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc at Sta. Ana Hospital, upang lahat ng libreng serbisyo sa ospital ay pakinabangan ng mga residente mula District 1,2,3,4 at 6, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Bukod sa mga libreng hospital services mula consultation hanggang operasyon at kuwarto maging take-home medicines, nagpatupad din ang administrasyon ni Lim ng libreng burol, cremation at libing sa ilalim ng kanyang serbisyong libre mula ‘sinapupunan hanggang kamatayan’ o ‘womb-to-tomb.’
Sa nasabing pulong, hiniling ng mga driver at nagbigay naman ng katiyakan si Lim, na ibabalik ang lumang rates ng multa para sa mga simpleng paglabag sa batas-trapiko.
Iniaangal ng mga driver ang umano’y sobrang taas ng multa para sa mga simpleng paglabag sa batas-trapiko mula P150 hanggang P500 pataas.