Northern Mindanao itinaas sa full alert (Bunsod ng AFP-terrorist clash)
Hataw News Team
February 29, 2016
News
ITINAAS sa “full alert” ang estado ng alerto sa buong Northern Mindanao o Police Regional Office (PRO-10).
Ito’y bunsod nang nagpapatuloy na labanan sa Butig, Lanao del Sur ng mga tropa ng pamahalaan at mga bandidong grupo sa pamumuno ni Omar Maute, isang Indonesian terrorist.
Ayon kay PRO-10 spokesperson, Supt. Surki Serenas, ang pagtaas nila ng alerto ay para maiwasan ang posibleng spillover sa nagpapatuloy na labanan sa Lanao del Sur.
Ang Lanao del Norte ay bahagi ng Northern Mindanao region na adjacent sa Lanao del Sur na bahagi ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Sinabi ni Serenas, may kaukulang mga hakbang nang ginagawa ang PRO-10 para maiwasan ang posibilidad na kumalat sa kanilang rehiyon ang nasabing labanan.
“In fact the command, which is already on Full alert staus has intensified its intelligence build up and checkpoint operations in its boundaries to contain and prevent spillover of atrocities in our area,” pahayag ni Serenas.
Dagdag pa ni Serenas, may nakahanda nang augmentation force mula sa Regional Public Safety Battalion (RPSB) na magreresponde kung kinakailangan.
Aniya, mahigpit din ang kanilang koordinasyon sa kanilang counterpart sa ARMM PNP maging sa AFP.
“Our PPO and CPO sharing geographical boundaries with Lanao del Sur has a ready augmentation from RPSB and their respective safety companies in case of eventualities,” paliwanag ni Serenas.
Nabatid na umabot na sa 48 ang bilang ng mga namatay sa mga bandido at tropa ng pamahalaan sa bayan ng Butig, Lanao del Sur.
Ito ay makaraan kompirmahin ng AFP Western Mindanao Command na umakyat na sa anim sundalo ang namatay habang 11 ang sugatan.
Habang sinabi ni AFP WestMinCom spokesperson, Maj. Felimon Tan, tinatayang nasa 42 kasapi ng local terrorists ang namatay sa halos isang linggo nang labanan.
Ngunit may ilang nagsasabi na posibleng mahigit sa 50 na ang napapatay sa mga kalaban.
Sinabi ni Tan, wala pa ring humpay ang pagtugis ng kanilang mga kasamahan sa patakbo-takbong mga terorista.