Reconciliation hindi puro bangayan
Hataw News Team
February 26, 2016
News
HINAMON ni senatorial candidate at Leyte Rep. Martin Romualdez ang mga botante na maghalal ng presidente ng bansa na may puso para sa pagsasagawa ng totoong pagkakaisa at ‘malasakit’ na lilimot at gagamot sa mga hinanakit ng mga Filipino sa mga nakalipas na administrasyon.
Ipinunto ni Romualdez na dapat ang mamumuno sa bansa ay kayang pag-isahin ang lahat ng sektor sa lipunan tulad ng rebeldeng makakaliwa, oposisyon sa gobyerno at iba pa upang sa gayon ay makapagtrabaho nang husto at walang pipigil sa pag-unlad ng bansa.
Binigyang-diin ni Romualdez sa kanyang pahayag sa paggunita ng ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power 1, sa paglipas ng mga araw buwan at taon, hindi tayo kulay dilaw, asul, kahel o pula, tayong lahat ay Filipino na titindig at magkakaisa para labanan ang korupsiyon, kriminalidad, kahirapan at iba pang pangunahing problema sa bansa.
Ayon kay Romualdez, ang kailangan ng ating bansa ay isang presidente na may malasakit at may malaking puso na magsasagawa ng tunay na pagkakaisa nang sa gayon ay mapabilis ang magiging tugon sa pangangailangan, partikular ang hanay ng maralita.
“Kapayapaan at pagkakaisa ang isa sa mabisang sangkap ng ating bansa para sa mga nag-aaway at hindi pagkakaunawaan, huwag din talikuran at isara ang pintuan para sa ikaaayos ng ‘di pagkakaunawaan,” ani Romualdez.
Iginiit ni Romualdez na ang pagkakaisa ay siyang kailangan ng mga bansa tulad ng Filipinas na sinusubukang umahon sa kahirapan na tuloy-tuloy na nararanasan ngayon ng taong bayan.
“Ang tunay na demokrasya ay nagkakaisa,” dagdag ng solon sabay paalala sa mga mahahalal sa May elections na ang kanilang obligasyon ay maglingkod sa taong bayan at hindi iyong tumatalikod sa tawag ng tungkulin.