Leftist group iniwan ang EDSA People Power 1
Hataw News Team
February 25, 2016
Opinion
TUNAY na walang kahihiyan ang mga makakaliwang grupo dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nila matanggap sa kanilang mga sarili na ang pangyayaring EDSA People Power 1 ay inisyatiba ng masang Filipino at hindi sila kasali rito.
Hindi na dapat sila magbalatkayo dahil nang pumutok ang EDSA People Power 1, naging buntotismo o palasunod na lamang ang grupong makakaliwa at naging tagatanghod sa tatlong araw ng makasaysayang EDSA People Power 1.
Hindi ba’t nagbaba ng kautusan ang “higher ups” nang tinatawag na “preservation of forces,” kaya hindi nakihalubilo ang mga leftist group sa taumbayan na noon ay nagsisimulang dumami sa tapat ng Camp Crame at Camp Aguinaldo?
Hindi ba’t napaiyak noon si Lean Alejandro at nagsisigaw sa Welcome Rotonda dahil sa sama ng loob nang maiwan sila ng taumbayan at panoorin na lamang ang nangyayaring pagsugod ng mga tao sa loob ng Malacañang nang makaalis ang mga Marcos?
Hindi napamunuan ng grupong makakaliwa ang taumbayan, ‘yun ang totoo!
Naging palpak ang mga alagad ni Joma Sison na sinasabing mga organisado at may siyentipikong pag-iisip pagda-ting sa organizing work.
Kaya nga, walang karapatan ang sino mang makakaliwang grupo na iniluwal ng de-kahong pag-iisip ni Jose Maria Sison na makihalubilo sa pagdiriwang ng EDSA People Power 1.
Lumayas kayo at mahiya kayo sa inyong mga sarili!