TAMA lang na manalong Best Actor si JM de Guzman sa nakaraang 2015 Metro Manila Film Festival para sa New Wave category dahil napakahusay naman talaga niya sa pelikulang Tandem na idinirehe ni King Palisoc prodyus naman ng Quantum Films, Tuko Film Production, at Buchi Boy Films.
Pero dapat binigyan din ng parangal si Nico Antonio na kapatid ni JM sa pelikula dahil magaling din siya, huh? Hindi namin akalain na marunong palang mag-drama si Nico, nasanay kasi kaming puro lang siya nagpapatawa sa pelikula.
Panonoorin namin ulit sa sinehan ang Tandem dahil hindi namin naumpisahan kasi naman Ateng Maricris, isang oras kaming naligaw sa paghahanap ng QCX Mini Theater sa Quezon Memorial Circle wala kasing sinage kung saan ito matatagpuan. Kaya sa management ng Quezon Memorial Circle, palagyan naman po ng directions ang mga lugar kung saan makikita o matatagpuan para madali pong hanapin lalo na kung madilim na.
Going back to Tandem, gustong-gusto namin ang sumulat ng pelikula na siya ring direktor dahil napaka-natural ng daialogue at ito talaga ang terminong ginagamit ngayon, hindi ‘yung masyadong ingat dahil natatakot na baka makatay sila ngMTRCB o Movie and Television Review and Classification Board.
Ang alam namin ay hindi na masyadong nagpuputol ang MTRCB lalo na kung kailangan sa pelikula dahil ang gagawin lang nila ay ire-rate ito at binigyan nga ng R-16 ang Tandem dahil sa love scene nina JM at ng girlfriend niya.
At nakakuha naman ng Grade A sa Cinema Evaluation Board. Literal naTandem sina JM at Nico dahil magkakuntsaba sila sa lahat ng gawaing pagnanakaw at pang-i-snatch pero hindi naman sila nakaiiwas na kailangan nilang makapatay ng tao. At dito nagsimula ang problema ng magkapatid na Tandem dahil may dalawang pulis na nag-aalaga sa kanila na kapalit ay pineperahan sila.
Bilib kami sa tapang ng sumulat ng kuwento dahil totoo naman na may ganitong kuwento sa ating mga pulisya. Hindi kaya may magreklamo rin sa MTRCB na nasisira ang imahe ng pulis dahil dito? Naalala kasi namin ang pagsayaw ni James Reid bilang si Clark sa bridal shower party na naka-uniporme ng pulis na kung tutuusin ay cute naman ang pagsayaw ng aktor, pero nagreklamo ang pulisya sa MTRCB dahil nasisira ang imahe nila o baka naman gusto lang maki-ride on dahil sikat at pinag-uusapan nang husto ang On The Wings Of Love?
Anyway, dahil sa sunod-sunod na paglilinis sa mga pulis na may record ay inutusan sina JM at Nico na patayin ang opisyal na siyang nag-utos na tanggalin sa serbisyo ang lahat ng tiwaling pulis. Si JM ang bumaril sa opisyal pero hindi nito napuruhan kaya nabuhay at dahil dito ay nataranta ang dalawang nag-utos sa magkapatid kaya ang ending sila ang target to liquidate.
Mas maganda kung panoorin na lang ito sa sinehan simula sa Pebrero 17, Miyerkules.
FACT SHEET – Reggee Bonoan