NASAAN nga ba si JM de Guzman ngayon? Kailan siya magiging aktibo ulit sa showbiz?
Halos ito ang tumbok ng mga katoto sa ginanap na Tandem presscon noong Martes na ginanap sa Quezon City Sports Club.
Tinanong nga namin ang katotong Jun Nardo kung nasaan si JM, “wala pa, hindi pa puwede (makausap). Alam mo ba kung nasaan?” balik-tanong sa amin ni Jun.
Sobrang mahal ng entertainment media si JM Ateng Maricris dahil wala naman siyang ipinakitang masama at malambing pa kaya maraming nanghihinayang dahil napakagaling niyang artista.
Kaya nga nanalo siyang Best Actor sa nakaraang 2015 Metro Manila Film Festival para sa New Wave category.
Magkapatid ang role nina JM at Nico Antonio at magka-Tandem talaga sa lahat ng uri ng hanapbuhay na pang-iisnats na ikinabubuhay nila.
Sakto ang kuwento ng Tandem ngayon dahil ito talaga ang nangyayari sa lipunang ginagalawan natin.
Noong ginagawa raw nina Nico ang Tandem ay hindi sila nakaranas na anumang problema kay JM kaya nagugulat sila.
“’Yung sa ‘All of Me’, nagulat na nga lang ako talaga, kahit si Rochelle (Pangilinan, kasama sa pelikula), nagulat din, na bakit nagkakaganoon si JM, mga bulong-bulungan sa set daw, kay direk Dondon (Santos), ‘yun. Kasi noong sa ‘Tandem’, wala kaming problema,” kuwento ni Nico.
Kuwela nga raw si JM dahil madalas siyang magkuwento tungkol sa ex-girlfriend niyang si Jessy Mendiola.
Sabi ni Nico, “napaka-happy-go-lucky niya. Ang sarap niyang kakuwentuhan about his personal life, about Jessy.”
Hindi na nag-elaborate pa si Nico tungkol sa kuwentuhan nila ng aktor dahil personal na.
At si Rochelle Pangilinan naman na leading lady sa Tandem ay gulat din, “actually, nagulat ako, ngayon ko lang naman talaga nalaman! Hindi ko talaga po alam. Nanghihinayang ako, nakakalungkot kung ganoon nga talaga ang nangyari.
“At alam ko naman na ipagdarasal ko rin na makabangon at makabalik siya agad,” say ng dalaga.
Ang direktor ng Tandem na si King Palisoc ay wala ring naging problema kay JM noong i-shoot nila ang pelikula ng Marso 2015.
“Malayong-malayo ‘yung experience namin noong ginagawa namin ang pelikula (sa mga tsismis).
“Never akong nag-adjust or nagkaroon siya ng tantrum, wala. In fact, napansin ko nga, sobra siyang conscious, tuwing nagsu-shoot kami, lagi siyang nagtatanong kung okay ba ang ginawa niya.
”Pero in terms of behavior, ‘yung personality, sobrang okay siya and I think, he was coming off ‘Tadhana’,” kuwento ng direktor.
Kuwento pa ni direk King na nakausap niya si direk Antoinette Jadaone na direktor ng That Thing Called Tadhana na kasalukuyang nagso-shoot din noon na wala raw isyu.
“Prior to shooting ‘Tandem’, kaibigan ko rin kasi si Direk Tonette kinumusta ko lang si JM.
“Sinabi nila they had no problems working with JM.
“And truly enough, noong pumasok iyong shooting ng ‘Tandem’, sobrang okay iyong relationship namin.
“Actually, during nag-e-edit kami, nagkakausap pa kami, nagkakamustahan pa kami. And I think ‘yung cast din.”
In communication daw sina direk King at daddy ni JM at ibinalitang nanalo ang anak para sa New Wave category nitong nakaraang MMFF.
“Siyempre natuwa kami. Kasi actually kami, ‘di na namin masyado nakakausap si JM.
“Actually, sobrang malaking tulong sa amin na kahit paano, mayroon pa rin siyang presence.
“Kasi, especially since sa ‘Tandem’, ito iyong pinakamagandang performance sa tingin ko na ginawa ni JM,” kuwento ni direk King.
Ang Tandem ay nagkaroon ng premiere night sa Montreal, Canada noong Setyembre 1, 2015 at ipalalabas naman dito sa Pilipinas sa Pebrero 17 produced ng Quantum Films,Tuko Film Production at Buchi Boy Films at nakakuha ng Graded A sa Cinema Evaluation Board.
Bukod kina JM at Nico kasama rin sa Tandem sina Elora Espano, Allan Paule, Paolo O’Hara, BJ Forbes, Karl Medina, at Dennis Marasigan.
( REGGEE BONOAN )