Wednesday , December 11 2024

PNoy ‘nagtago sa saya’ ni Purisima — Enrile (Sa Mamasapano ops)

Mamasapano Senate InvestigationDERETSAHANG tinukoy ni Senate Minority Leader Juan Ponce si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na siyang dapat managot sa sumablay na Oplan Exodus na ikinamatay ng 44 miyembro ng PNP-Special Action Force (PNP-SAF) noong Enero 25, 2015.

Ginawa ni Enrile ang mga pahayag sa kanyang statement bago ang pagtatanong sa resource persons sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa Mamasapano incident.

Ayon kay Enrile, alam lahat ng pangulo, mula sa pag-apruba ng oplan hanggang sa aktuwal na isinagawa ang operasyon laban sa international terrorist na si Marwan sa Mamasapano, Maguindanao.

Ayon sa senador, ang operasyon ay ginawang “compartmentalized” ng pangulo na ang nakaaalam lamang daw ay siya, at ang pinagtitiwalaang nag-resign na si dating PNP chief Director General  Alan Purisima at si dating SAF Director Getulio Napenas.

Paliwanag ni Enrile, initsapuwera ng presidente ang ‘chain of command’ at hindi isinali sa operasyon ang iba pang mga ahensiya ng gobyerno.

Lumalabas tuloy na tila nagtago si Aquino sa ‘saya’ ni Purisima na bagama’t suspendido ay siya pa rin ang nagbigay ng order kay Napenas kaugnay sa operasyon.

PNoy ‘di nagtago kay Purisima — Palasyo

ITINANGGI ng Malacañang ang naging pahayag ni Sen. Juan Ponce Enrile na sinasadyang umiwas sa responsibilidad si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa Mamasapano incident sa ‘pagtatago sa saya’ ni dating PNP Chief Alan Purisima.

Sa nasabing pagdinig din ng Senado, inihayag ni Enrile na lumalabas sa texts ni Pangulong Aquino habang nagkakabakbakan sa Mamasapano, wala siyang pakialam sa buhay ng SAF troopers.

Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, palaging responsable si Pangulong Aquino sa lahat ng aksiyon at desisyong ginawa sa Mamasapano incident.

Ayon kay Coloma, lahat din ng mga katanungan at isyu sa operasyon ay sinagot at hinarap ni Pangulong Aquino.

Si Coloma ay kasama sa inimbitahan sa Senado bilang head ng Communications Group ng Malacañang.

“President Aquino had always acted responsibly and faced squarely all matters pertaining to the Mamasapano incident,” ani Coloma.

Walang ‘stand down’ order si PNoy — AFP, PNP

ITINANGGI ng kasalukuyan at dating mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na may kautusang ‘stand down’ mula sa Malacañang, o pahupain ang responde laban sa MILF na sangkot sa pagkamatay ng 44 SAF troopers para hindi maapektohan ang peace process.

Sa pagdinig sa Senado, inisa-isa ni Sen. Sonny Angara ang mga opisyal ngunit itinanggi lahat nina dating AFP chief of staff Gregorio Pio Catapang, Defense Sec. Voltaire Gazmin, dating PNP OIC chief Leonardo Espina, dating DILG Sec. Mar Roxas, dating SAF chief Getulio Napeñas, Western Mindanao Command chief Gen. Rustico Guerrero na may ganitong utos ang Pangulo.

Una rito, napaulat na nagbigay ng ‘stand down’ order si Aquino sanhi upang hindi makapasok sa lugar ng bakbakan ang reinforcement na sana’y tutulong sa SAF.

Sinasabing may kaugnayan ito sa usaping pangkapayapaan ng gobyerno ng Filipinas at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na naka-enkwentro ng SAF.

Posible raw nangamba ang gobyerno na maapektohan ang isinusulong na Bangsamoro Basic Law kaya walang reinforcement sa tropa ng Special Action Force na naipit sa bakbakan.

US participation naungkat muli sa Senate probe

KINOMPIRMA ni dating SAF chief Getulio Napeñas ang papel ng Amerika sa naging operasyon ng SAF sa teroristang si Marwan.

Sa pagtatanong ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile, sinabi ni Napeñas na nagbigay ang US ng trainings, intelligence, equipments, at humanitarian evacuation sa naging operasyon na ikinamatay ng 44 SAF troopers.

Ani Napeñas, tumulong din ang Amerika sa pagsagawa ng imbestigasyon sa daliri ni Marwan.

Kasabay nito, pinuna ni Enrile ang partisipasyon sa pagsasabing ang police operation ay hindi dapat pakialaman ng US.

Dapat aniyang magpaliwanag ang gobyerno ng Filipinas.

Oplan Exodus ‘poorly planned’ — PNP Chief

INIHAYAG ni PNP Chief Gen. Ricardo Marquez, hindi napagplanohan nang maayos ang Oplan Exodus, ang operasyon laban sa international terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan na ikinamatay ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF).

Sa pagtatanong ni Sen. Sonny Angara, sinabi ni Marquez na “poorly planned, no coordination, o real contingency planning” ang misyon.

Hindi rin aniya nararapat ang time on target o ang “pagpapaalam sa friendly forces” ng operasyon sa oras kung kailan nasa target area ang tropa.

Line of command paralisado sa SAF OPS

INAKUSAHAN ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile ang gobyerno na pinaralisa ang ‘line of command’ noong Enero 25 (2015), ang araw na isinagawa ang operasyon sa international terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan na ikinamatay ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF).

Sa patuloy na imbestigasyon ng Senado, iginisa ni Enrile si dating AFP Chief of Staff Pio Gregorio Catapang kung bakit hindi nagpadala ng air assets ang militar tulad ng helicopter para tulungan ang naiipit na SAF troopers.

Sagot ni Catapang, naka-standby ang dalawa nilang helicopter ngunit hindi sila nakapagpadala dahil wala pang request mula sa PNP.

Dito na umalma si Enrile sa pagsasabing “line of command paralyzed that day” dahil tila walang magandang koordinasyon ang PNP at AFP generals sa crisis situation.

Ngunit sagot ni Catapang, hindi paralisado ang “line of command” dahil siya mismo ang nag-utos sa Western Mindanao Command chief para tulungan ang SAF nang malaman ang pangyayari.

Giit ni Purisima: SAF troopers nakapatay kay Marwan

HINDI naniniwala ang sinibak na si PNP chief Alan Purisima na ang aide ni Marwan ang nakapatay sa terorista.

Sinabi ni Purisima sa panayam sa Senado kahapon, 100 percent na SAF troopers ang nakapatay sa Malaysian bomb expert na si Zulkifli bin Hir alyas Marwan.

Ayon kay Purisima, walang ibang operational plan na ikinasa noong na-neutralized si Marwan kundi ang Oplan Exodus.

Aminado rin ang sinibak na chief PNP, maraming operation plan na plinano ang PNP para maaresto lamang ang Asia’s most wanted bomber.

Pahayag ni Purisima, wala siyang ideya kaugnay sa lumabas na report na “Oplan Kalilintad.”

Papel ni PNoy sa SAF OPS pilit inalam ni JPE

PILIT ding inuungkat ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile ang lapses ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa pumalpak na operasyon laban sa international terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan na ikinamatay ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF).

Niño Aclan/Cynthia Martin/Rose Novenario

About Hataw News Team

Check Also

Jose Manalo Mergene Maranan

Jose Manalo engage na kay EB Babe Mergene  

I-FLEXni Jun Nardo GINANAP sa Canada ang engagement ni Jose Manalo sa dating EB Babe member na si Mergene Maranan. …

VAT Tax Refund for Tourists

VAT refund sa turista magpapataas ng appeal ng PH bilang tourism haven

NANINIWALA si Senate President Francis “Chiz”  Escudero na ang mekanismo ng pagre-refund ng value-added tax …

Farmer bukid Agri

Sa batas ng tarifikasyon at agrikultura
Mas malakas na suporta para sa mga magsasaka ng palay

INAASAHAN ni Senate President Francis “Chiz”  Escudero na makatatanggap ng tulong ang mga magsasaka ng …

Special Needs Education SNED

Higit 7,000 ‘special needs education’ teachers kakulangan pinuna ni Gatchalian

PINUNA ni Senador Win Gatchalian ang kakulangan ng mahigit 7,000 Special Needs Education (SNED) teachers …

Brian Poe Llamanzares

Tangkilikin sariling atin pero mag-ingat sa online scam — Brian Poe

HINIMOK ni Brian Poe Llamanzares, unang nominado ng FPJ Panday Bayanihan Partylist, ang mamimili na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *