Friday , November 22 2024

Talent, hangad na makapag-usap at makapagpatawaran sila ni Direk Cathy

010616 Cathy Garcia Molina
KAPAPASOK palang ng 2016 ay nasa hot seat ang box office director ng ABS-CBN at Star Cinema na si Direk Cathy Garcia Molina dahil sa reklamo sa kanya ng naging talent o ekstra ng teleseryeng Forevermore ina Enrique Gil atLiza Soberano na umere noong Oktubre 2014 hanggang Mayo 2015.

Nakarating kaagad kay direk Cathy ang reklamo ni Rossellyn Domingo kasama ang boyfriend niyang talent din na si Alvin Campones, isang UP Professor na ipinost sa kanyang Facebook account noong Disyembre 31 ang hinaing sa direktor.

Kaagad naming tinext si direk Cathy tungkol dito at sinagot kami ng, ”happy New Year Regg! Quiet na lang po muna ako, Tagal na rin niyon, eh. Salamat.”

Binigyan namin ng timbang ang reklamo ni Rossellyn tungkol kay direk Cathy at ramdam namin ang sama ng loob niya sa direktor dahil nga ipinahiya sila ng boyfriend niya sa napakaraming tao sa set ng Forevermore habang nagtatawanan ang ilang staff and crew.

Sabagay, kung kami rin ang nasa lugar ni Rossellyn ay magdaramdam kami.

Sabi ni Rossellyn ay sinigaw-sigawan ni direk Cathy ang boyfriend niyang si Campones (gumanap bilang si Makoy sa serye) sa harap ng maraming tao habang nagte-taping sa La Presa, Baguio City.

“Nanood po ako ng ‘Walang Forever’ at nakita ko kayo ng ilang segundo sa umpisa ng pelikula. Naroon pa rin pala ang sama ng loob ko sa inyo na ayaw ko nang dalhin pa sa 2016.

“Hinintay ko po talagang matapos ang ‘A Second Chance’ bago ko kayo sulatan para makaiwas sa kontrobersiya, baka kasi sabihin niyo, paninira lamang ito para maapektuhan ang kita ng inyong bagong pelikula.

“Nakasama niyo po ako sa ‘Forevermore’. Gumanap ako bilang Celia na asawa ni Makoy na naninirahan sa La Presa. Noong nagkita tayo sa La Presa, kinilig ako. ‘Sa wakas’, sabi ko, ‘makakatrabaho ko na rin ang direktor ng ‘One More Chance’’. Tatlong buwan na akong nag-eekstra sa mga teleserye noon at masasabi ko na ang ‘Forevermore’ ang biggest project na nakuha ko. Bata pa lamang ako, hilig ko na ang pag-arte. Nakailang theater acting workshop ako bago ko sinubukan na umekstra sa telebisyon.

“Mahal kong talaga ang pag-arte kaya hangga’t kaya kong isingit (mayroon kaming travel agency), pinipilit kong tumanggap ng mga papel na gagampanan sa mga teleserye. Nagsimula ako bilang bahagi ng mga crowd. Hindi nagtagal, naglilinya na rin ako.

“Sa ‘Forevermore’ ako unang nagkaroon ng pangalan. Ako si Celia. Tuwang-tuwa ako noon dahil sa oportunidad na nabuksan sa akin. Sayang at ilang araw lang akong nanatili sa La Presa. Hindi kasi kaya ng sikmura ko ang pagmumura niyo sa mga ekstra. Sagad sa buto.

“Napakasakit para sa akin na mura-murahin niyo ng pauli-ulit ang boyfriend ko sa harap ng maraming tao. Nakatatak sa alaala ko ang mga ngisi at tawanan ng mga staff at cameramen niyo kapag nagpapakawala kayo ng mga mura.

“Hindi niyo alam kung gaanong iginagalang ng napakaraming tao ang “ekstrang” minura-mura at ipinahiya ninyo.

“Sabi ng mga nakakakilala sa inyo, wala raw personalan, stressed ka lang, ganoon talaga. Unawain ka na lang.

“Ayon nga sa isang boss niyo sa ABS-CBN na sumagot sa amin sa email, ‘you are known for cursing in the set’ at iyon daw ang paraan niyo ng pag-cope sa stress ng inyong trabaho. Ganoon ba talaga ‘pag stressed? Dapat kang maging insensitive sa damdamin ng ibang tao para guminhawa ang pakiramdam mo?

“Ako na ang naglakas-loob na gumawa ng open letter dahil alam kong may kasalanan din ako sa nangyari. Hindi sana ako pumayag na sumalang siya sa ilang eksena bilang substitute ng dapat ay kapareha ko. Pero puwede bang sumama kayo na humingi ng paumanhin para mapayapa na ang aming isip at loob?

“Marahil alam niyo na noon na may na-offend kayong tao pero wala lang kayong pakialam dahil kayo si Direk Cathy G. O baka sakali, hindi lang kayo aware sa bigat ng inyong nagawa, kahit isang taon na kaming nagfa-follow up sa ABS-CBN at ilang beses na ring napangakuan na paghaharap-harapin tayo.

“Narito po ang buong complaint na ipinadala namin noong Oktubre 2014. Sana sa pamamagitan nito, maunawaan niyo ang tindi at bigat ng gaspang ng ugali na ipinakita niyo. Bilang isang edukadong tao (pareho kayong UP graduate ng boyfriend ko, roon na rin siya nagtuturo ngayon) naniniwala akong malalaman niyo ang tama at mabuting gawin para iwasto ang inyong maling nagawa.

“Sana magkita na po tayo soon para makapagpatawaran tayo… sa tamang panahon.”

Napakaganda ng pagkakalahad ni Rossellyn, katunayan ay umaasa pa rin siyang makakapag-usap sila ni direk Cathy.

Sa maigsing panahon na sinasabi ni Rossellyn na naging talent siya sa ibang serye ay hindi sapat ito para matutuhan niya ang kalakaran sa showbiz at para maintindihan ng lubos kung bakit ganito ang ugali ng mga direktor, isa na nga si direk Cathy.

Marami na kaming nainterbyung direktor at isa sa kanila si direk Cathy na talagang inaalam namin kung ano ang estilo nila sa pagdidirehe kasama na ang personal nilang buhay.

Diretso at hindi showbiz si direk Cathy at inamin niyang mabait siya kung sa mabait, pero galit siya sa hindi makasunod ng instructions niya at wala siyang keber kung talent/ekstra o sikat na artista at higit sa lahat, hindi niya pinupuri ang artista ng harapan dahil ayaw niyang lumaki ang ulo, sasabihin lang niya, ”good take!”

Pero kapag ibang tao na ang kausap niya tulad naming mga reporter ay sobra kung purihin niya ang mga artistang nakatrabaho niya tulad nina Bea Alonzo, Gerald Anderson, John Lloyd Cruz, at Sarah Geronimo na pawang hits ang mga pelikula nila na si direk Cathy mismo ang nag-direhe.

Nabanggit ng nagrereklamong si Rossellyn na baka raw ito ang paraan ng pampatagal ng stress ni direk Cathy, ang pagmumura at paninigaw na totoo naman dahil dahil may hinahabol silang playdate o deadlines na ibinigay ng isang movie outfit o network.

Kilala ang Star Cinema sa mabilisang proyekto na nagpa-presscon na gayong hindi pa pala tapos ang pelikula.

At base na rin sa experience namin ay mas mabait pa si direk Cathy kompara sa ibang direktor na kapag ayaw na nila ang isang talent o ekstra ay pauuwiin na nila bukod pa sa mga murang maririnig mo.

Ang pelikulang Ekstra ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto ang dapat mapanood ng mga gustong maging talent para magkaroon sila ng idea kung gaano ang daranasin nila mapa-telebisyon o pelikula.

Tulad ng sinabi ni Rossellyn na sana magkita na sila ni direk Cathy sa tamang panahon para makapag-usap at magka-ayos para mawala na ang galit sa dibdib at ng boyfriend na si Campones.

( Reggee Bonoan )

About Reggee Bonoan

Check Also

Enrique Gil

Bagong serye ni Enrique sa Europe kukunan

MA at PAni Rommel Placente MAGIGING masaya ang mga faney ni Enrique Gil dahil sa wakas ay …

GMA 2024 Christmas Station ID

Paskong Pinoy ipinadama ng mga mamamahayag ng GMA

RATED Rni Rommel Gonzales TIME-OUT muna sa paghahatid-balita ang mga batikang mamamahayag ng GMA dahil kasama silang …

Kathryn Bernardo Alden Richards Maine Mendoza KathDen Aldub

Al-Dub nag-ingay ayaw patalo sa KathDen

I-FLEXni Jun Nardo NIYANIG na naman ng Al-Dub (Alden Richards at Yaya Dub (Maine Mendoza) ang X (dating Twitter) nang nagkagulo …

JC De Vera Lana Laura

JC hands on tatay sa mga anak — kasama na future ng pamilya ko

I-FLEXni Jun Nardo BINAGO ang pananaw sa buhay ni JC De Vera mula nang magkapamilya at magkaroon …

Blind Item, matinee idol, woman on top

Dating sexy male star napeke ni aktres

ni Ed de Leon GUSTO nang hiwalayan ng isang dating sexy male star ang kanyang asawa. Una, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *