Paglago ng INC tuloy sa 2016
Hataw News Team
December 17, 2015
News
SA gitna ng sunod-sunod na pagpapatayo ng 1,155 kapilya dito at sa ibang bansa sa loob lamang ng limang taon at ilan pang mga gusaling-sambahan na nakatakdang pasinayaan sa ilang buwan mula ngayon, sinabi ng tagapagsalita ng Iglesia ni Cristo (INC) na si Edwil Zabala kahapon na ang “di-matawarang” paglago ng Iglesia ay nagaganap sa ilalim ng pamumuno ni Executive Minister Ka Eduardo V. Manalo.
Tuloy-tuloy na isasakatuparan ang paglagong ito hanggang sa taon 2016 sa suporta ng mga miyembro sa buong mundo.
“Niyakap ng aming mga kaanib ang pananaw ng ating pangasiwaan at ang kanilang pananampalataya ay lalo pang pinalakas matapos makita kung paanong pinalago ng Diyos ang Iglesia sa loob ng limang taon,” ayon kay Zabala.
Sa 1,155 kapilyang inihandog mula nang manungkulan si Ka Eduardo V. Manalo bilang pinuno ng INC noong Setyembre 2009, 64 kapilya ang nasa ibayong dagat – na nasa 12 bansa at apat na kontinente.
Sa Estados Unidos, 37 kapilya ang “naihandog” na. Anim pang mga kapilya ang pasisinayaan sa US sa 2016 habang nakatakdang magpatayo sa Canada at Japan ng mga estrukturang panrelihiyon.
Sa Luzon, Visayas, at Mindanao, 1,091 kapilya ang naipatayo at naipaayos sa nakalipas na limang taon kabilang ang ilan pang mga bahay-pagsamba sa taon 2016.
“Dahil sa pagpapala ng Diyos at sa pananampalataya ng ating mga Kapatid, hindi lamang napagtagumpayan ng Iglesia ang mga hamon na iniharap sa amin – pinaglago pa nang husto ng Diyos ang Iglesia,” pagtatangi ng ministro.
Ayon kay Zabala, ang mga walang basehan at pinagplanohang mga paninira laban sa Iglesia noong mga nagdaang buwan ay hindi nagtagumpay sa kanilang mga layunin.
“Sunod-sunod ang mga pagtatangka ng aming mga kritiko upang sirain ang pagkakaisa ng mga Kapatid at gibain ang aming reputasyon. Ngunit hindi sila nagtagumpay. Lalo pa ngang napalapit ang ating mga kapatid sa isa’t isa dahil nakikita nila ang kasamaan ng layon ng mga pagtatangkang ito laban sa Iglesia.”