Iniwan na ni Bongbong si Chiz
Hataw News Team
December 7, 2015
Opinion
KUNG ihahambing sa karera ng kabayo, banderang kapos na maituturing si Sen. Chiz Escudero – sa unang arangkada, mabilis na umabante, pero habang papalapit ang finish line, unti-unti nang nanlalamig at naiiwan ng kanyang mga kalaban sa karera.
Ganito ang nangyayari kay Escudero. Unti-unting nakikita ang kanyang panlalamig at unti-unti na rin siyang nauungusan ni Sen. Bongbong Marcos sa vice presidential race. Kung tutuusin, sina Sen. Sonny Trillanes at Rep. Leni Robrero ang nakikitang may potensiyal na makigpagbabakan nang dikitan kay Marocs sa finish line.
Sa kaliwa’t kanang kontrobersiyang kinakaharap ngayon ni Escudero, hindi niya malaman kung paaano niya sasagutin ang mga akusasyon laban sa kanya. Simula sa akusasyong paggamit niya kay Sen. Grace Poe hanggang sa pagpapabaya niya sa kanyang lalawigan sa Bicol sa usapin ng kahirapan, paano kaya maipapanalo ni Escudero ang kanyang kandidatura?
Samantala si Marcos, solid ang suporta ng kanyang mga kababayan sa Ilocos region at pati ang mga “loyalist” ng kanyang amang si Ferdinand Marcos ay patuloy rin na kumikilos para masiguro ang panalo ng kanilang kandidato.
Asahang, mawawala sa eksena si Escudero. Asahan ding sa pagpasok ng buwan ng campaign period, bababa ang rating nito sa mga survey at tiyak na mauungusan ni Marcos. Kung hindi kikilos si Escudero, sina Marcos at Trillanes ang malamang na magpukpukan sa presidential race.