KUMAKALAT ngayon sa Metro Manila ang mga sticker na may nakasulat na “GraceLen” #GLsa2016. Malinaw na ang mga stickers na ito ay patungkol kina Sen. Grace Poe at Rep. Leni Robredo.
Nangangahulugan bang ang pagkalat ng mga sticker na “GraceLen” ay pagsuporta ng Liberal Party (LP) sa kandidatura ni Poe at pag-abandona kay Roxas? Hindi ito malayo sa katotohahan dahil kung tutuusin, bago pa man piliin ni Pangulong Noynoy Aquino si Roxas, ilang lider na rin ng LP ang may gustong si Poe ang kanilang maging kandidato.
Ang winnablity ang problema ni Roxas, at patunay na rito na hanggang ngayon ay kulelat pa rin siya sa mga survey ng Pulse Asia at SWS. Kaya nga, maaaring sabihing ang pagkalat ng stickers na “GraceLen” ay kagagawan mismo ng mga tao sa loob ng LP na gustong abandonahin si Roxas at suportahan sa halalan si Poe.
Nangyari na ito noong panahong kumandidato si PNoy bilang pangulo, at kumalat din ang mga sticker na “NoyBi” bilang pagsuporta kay Vice President Jojo Binay at paglaglag kay Roxas. At ngayon na naman, mukhang mauulit ang pagbaliktad ng suporta ng LP at malamang na “pailalim” na suportahan nila ang kandidatura ni Poe.
Kung magkakaganito, maituturing na ang pagkalat ng “GraceLen” sticker ay mensaheng parating ng Malacañang sa Comelec na palusutin si Poe sa kanyang DQ cases. Kabilang kaya si PNoy sa planong ilaglag si Roxas at tuluyang suportahan si Poe?