Lim nanguna sa Maynila
Tracy Cabrera
November 30, 2015
News
NANGUNGUNA sa isinagawang survey ng Philippine Polls Online (PPOL) sa pagka-alkalde ng Maynila para sa nalalapit na halalan sa Mayo 9, 2016 si dating Senador Alfredo Lim habang nakabuntot nang malayo sina dating Pangulo at incumbent Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada at outgoing Manila District V Representative Amado Bagatsing.
Sa katanungan “kung sino ang nais nilang susunod na mayor ng Maynila,” nagtala si Lim ng 64 porsiyento habang sina Estrada naman at Bagatsing ay nakakuha lamang ng 28 at 8 porsiyento.
Ayon sa ilang political analyst, ipinapakita ng survey kung gaano tumaas ang suporta sa dating direktor ng National Bureau of Investigation (NBI) sa nakalipas na mga buwan kompara sa kabiguan ni Estrada na maipatupad ang kanyang pangakong manilbihan sa mga taga-Maynila nang tunay na serbisyo publiko.
Kamakailan, umani ng batikos ang incumbent mayor, na dating alkalde ng San Juan, sanhi ng pagsasapribado ng anim na pampublikong pamilihan sa anim na distrito ng lungsod. Marami rin mga tagalungsod ang nagsasabing lalong humirap ang kabuhayan sa Maynila dahil sa sinasabing ‘anti-poor‘ na mga polisiya ng dating pangulo na kabaligtaran naman umano ng kanyang ipinamamaraling “Erap para sa mahirap.”
Ayon naman sa pangulo ng Kabalikat na si Ben Canlas, nararapat lamang na paigtingin ng mga Manileño ang kanilang suprota kay Lim dahil sa panahon niya tinamasa ng kanyang mga nasasakupan ang libreng edukasyon at libreng serbisyong pangkalusugan bukod sa mga programang pangkabuhayan at pagtulong sa mga senior citizen, mahihirap na pamilya at kabataang lansangan.
Naisaayos din ni Lim ang pamamalakad sa pamahalaang lungsod para sa kapakanan ng mamamayan, tulad ng paglapit ng serbisyo nito sa mga taga-Maynila sa pamamagitan ng pagtatag ng satellite offices ng city hall sa anim na distrito ng lungsod.
“Umasa po kayo nang ibayong paglilingkod ang serbisyong ipagkakaloob sa atin ng ating mahal na Mayor Alfredo Lim,” punto ni Canlas.
“Ibabalik po niya (Lim) ang mga libreng ospital kasama ang mga gamot at libreng pag-aaral sa Pamantasan ng Maynila at Universidad de Manila, gayon din ang pabahay sa mga informal settler at hanapbuhay para sa mga vendor dahil sa pagsasapribadong pinairal ng kasalukyang administrasyon ni Erap (Estrada),” dagdag niya.
Bilang panghuling salita, pinaaalalahanan ng pangulo ng Kabalikat ang mga botante na huwag nang magbakasakali pang muli at tiyakin ang magandang kinabukasan sa pagbabalik muli nang kaayusan, katahimikan at kalinisan sa lungsod ng Maynila.
“Muli po nating ibalik ang tunay na Ama ng Maynila—tunay na L-ehitimo I-tong M-anileño,” kanyang pagtatapos.
ni Tracy Cabrera