Nahihibang si Sen. Alan Cayetano
Hataw News Team
November 25, 2015
Opinion
E, mano naman kung si Sen. Alan Cayetano ang maging Vice President ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte?
Hindi nangangahulugang panalo na si Cayetano kung siya man ang maging running mate ni Duterte.
Kung tutuusin, kahit sino ang maging tandem ni Cayetano, maging si Sen. Grace Poe, si Vice President Jojo Binay, si Mar Roxas o Si Sen. Miriam Santiago, walang kapana-panalo si Cayetano sa vice presidential race.
Kahit sa mga survey na isinagawa ng Pulse Asia at Social Weather Stations, halos kulelat sa ranking si Cayetano. Patunay lang, galit ang publiko kay Cayetano at hindi iboboto ng taumbayan sa pagka-bise presidente.
Nakatatawa dahil halos lahat ng tarpaulin na nakadikit sa Metro Manila, kasama at laging katabi ang pagmumukha ni Cayetano kay Duterte. Pero hindi ibig sabihin na ang makukuhang boto ni Duterte ay boto rin ni Cayetano sakali mang matuloy ang kanilang kandidatura.
Hindi dapat magdiwang ang kampo ni Cayetano. Hindi pa nakasisigurong makatatakbo bilang pangulo si Duterte kung substitution ang pag-uusapan dahil wala na naman siya papalitang kandidato.
Tuluyan na ngang nag-withdraw ng kanyang candidacy si Martin Diño kung kaya’t walang papalitan si Duterte.
Isa pa, sino ba ang nagsabing sure winner na si Duterte kung siya nga ay tatakbo sa pagkapangulo? Hindi na dapat paniwalaan si Duterte, walang isang salita, balisawsawin at urong-sulong.