May budol-budol na rin sa NAIA
Robert B. Roque, Jr.
November 25, 2015
Opinion
Bakit nagkakaganito ang takbo ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA)?
Sunud-sunod ang kaso ng “tanim-bala” sa mga dumarating o aalis pa lang ng bansa kaya binatikos ng international media, at hanggang ngayon ay iniimbestigahan ng NBI.
Hindi biru-biro ang kumalat na isyu sa buong mundo na ang mga biyahero ay tina-target ng mismong security officials ng NAIA para taniman ng bala ang kanilang bagahe. Nagdulot ito ng malaking kahihiyan sa ating bansa.
Umani rin ng batikos ang NAIA dahil natutunugan ng kanilang X-ray screeners ang bala sa bagahe pero ang iligal na droga ay hindi, nang mahuli sa Hong Kong ang apat na Pinay na dala ang 2.5 kilos ng cocaine na ipinuslit nila palabas ng Pilipinas.
At noong Huwebes, lumapag sa NAIA ang isang OFW na galing Qatar para sa connecting flight niya papuntang General Santos City. Isang babae umano ang lumapit at nagprisintang tutulong para makita niya ang kanyang boarding gate.
Pero sa halip na dumiretso sa NAIA Terminal 3 ay dinala raw siya ng babae sa MRT Line 3. Habang naroon at naghihintay ng tren ay may tumulak sa OFW kaya ito nahulog sa kinatatayuan. Sinamahan siya ng babae sa klinika para makapagpatingin bunga ng naganap.
Habang naroon siya sa klinika ay umalis ang babae na tangay ang kanyang mga bagahe na naglalaman ng cell phone, isang taong suweldo at mga alahas na pasalubong sa mga mahal sa buhay.
Ang lahat ng sinapit ng OFW ay plinano. Nadale siya ng modus ng budol-budol gang na kunwari ay nakipagkaibigan ang isa para makuha ang kanyang tiwala. Kasama rin nito ang tumulak sa kanya at nang makasilip ng tiyempo ay ninakaw ng babae ang kanyang gamit.
Sa loob pala ng NAIA na sinasabing mahigpit ang seguridad ay hindi na rin ligtas ang mga tao. Ano pa ang puwedeng sumulpot para mambiktima ng mga kababayan natin sa susunod?
Naniniwala tayo na kahit nalugmok sa putikan ang NAIA ay makababawi pa rin ito para ituwid ang lahat ng kamalian. Pero mahirap asahang maisasakatuparan ito kung mananatili pa rin sa puwesto ang mga namumuno at nagpapatakbo ng paliparan sa panahong nagkapalpak-palpak ito.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.