DQ pa more
Hataw News Team
November 16, 2015
Opinion
MUKHANG hindi nagsasawa sa pagsasampa ng DQ case ang mga kalaban ni Sen. Grace Poe. Umabot na sa lima ang nag-file, at parang unli load sa cell phone ang sunod-sunod na kaso para lang hindi makatakbo si Poe sa darating na halalan.
Dalawa lang naman ang suspetsa ng publiko sa kung sino ang “utak” ng mga kasong isinampa laban kay Poe. Kung hindi ang UNA, siyempre pa ang LP. Ang presidential bet lang naman kasi nila ang may motibo para gibain nang husto si Poe para tuluyang mawala sa kanilang landas pagdating ng 2016 elections.
Alam nating si Mar Roxas ang pinakamahinang presidential candidate kaya nga isa siya sa mga suspect na maaaring may pakana ng DQ case laban kay Poe. Hindi rin maiaalis na si Vice President Jojo Binay ang may pakana nito, dahil nauungusan na nga siya ni Poe sa mga survey bukod pa sa dami ng kasong kanyang kinakaharap na lalong nagpapahina ng kanyang kandidatura.
Si Poe sa kasalukuyan ang pinakamalakas na kandidatong tumatakbo sa pagkapangulo. Sa mga survey ng SWS at Pulse Asia, patuloy na umaangat ang rating ni Poe. Kahit tuloy-tuloy at walang sawa ang ginagawang paninira kay Poe, wala itong talab at patuloy na pinaniniwalaan ng taumba-yan.
Bakit hindi na lang hayaang tumakbo si Poe at mismong ang sambayanang Filipino ang siyang magdesisyon pagdating ng halalan? Ang pagboto ng taong bayan ang sukatan para husgahan ang isang kandidato at hindi sa pamamagitan ng mga kasong isinasampa rito.
Anong dangal ang ihaharap ng kandidatong tulad nina Binay at Roxas kung isa man sa kanila ay mananalo sa pagkapangulo at si Poe ay hindi nakatakbo dahil sa kasong DQ?