Sabi mismo sa amin ni Kane Errol Choa, head of Corporate Communications na noon pa ito nag-aabang kung anong time slot ilalagay kasi nga punumpuno ang weekend.
Bukod kasi sa Voice Kids at Your Face Sounds Familiar na inabangan ng tao kinailangang isantabi ang Dance Kids.
Tapos biglang pumasok ang Celebrity Playlist para naman sa mga naging produkto ng YFSF season 1 dahil wala silang show at sayang naman ang talent nila, according naman sa taga-production.
At noong nagtapos naman ang Voice Kids 2 ay pumasok naman kaagad ang Your Face Sounds Familiar 2 isinabay pa ang PBB 737 na parehong mataas ang ratings kaya talagang waiting galore ulit si Dance Kids.
At finally, nagbabu na sa ere ang PBB 737 kaya may bakanteng slot at dito na ipapasok si Dance Kids.
Kaya mapapanood na ang Dance Kids ngayong gabi, 6:15 p.m. at bukas, Linggo ay mapapanood naman ito ng 6:00 p.m..
Kuwento pa ni Kane, “para magkaroon naman ng chance ang ibang kids na ang pagsasayaw naman ang talent nila at hindi lang ‘yung puro kanta, kasi mayroon na tayo niyon, ‘di ba sina Lyka (Gairanod) at Elha (Nympha), so rito naman tayo sa pagsasayaw.”
Magpapabilib sa sayawan ang iba’t ibang solo, duo, at group dance artists mula apat hanggang 12 taong gulang. Sasabak sa ‘tryouts’ ang 60 acts na ihahati sa dalawang teams sa ilalim ng dalawang dance celebrities.
Sa ‘tryouts,’ sasalain sila ng Dance Masters na sina Georcelle Dapat-Sy, Andy Alviz, at Vhong Navarro na mga pinakarespetadong pangalan sa pagsayaw sa Philippine entertainment. Para makalusot dito, kailangang mapa-”stomp” nila ang tatlong Dance Masters.
At siyempre, ang tandem na sina Robi Domingo at Alex Gonzaga ang host ng Dance Kids simula na ngayong gabi.
FACT SHEET – Reggee Bonoan