Kababaihan sa Senado
Hataw News Team
November 13, 2015
Opinion
NAKALULUNGKOT isipin na hanggang ngayon, ang politika sa Filipinas ay dominado pa rin ng mga kalalakihan.
Ngayong 16th Congress ng Senado, ang bilang ng mga kababaihang senador ay umaabot lamang sa anim kompara sa kabuuang bilang na labing-walong lalaking senador.
At sa pagtatapos ng 16th Congress ng Senado ngayon 2016, sina Sen. Miriam Defensor Santiago at Sen. Pia Cayetano ay magtatapos na ng kanilang termino. Nangangahulugang sa kabuuang 24 miyembro ng Senado, apat na lamang na babae ang matitira sa kanilang hanay.
Pero sa pagpasok ng 17th Congress, mukhang malabong madagdagan ang bilang ng mga babaeng legislators sa Senado.
Masakit mang sabihin, maituturing na mahina ang mga kandidatong babae sa Senado sa darating na halalan.
Naririyan sina Risa Hontiveros, Leila de Lima, Nariman Ambulodto, Alma Moreno, Princess Jacel Kiram, Susan “Toots Ople at Lorna Kapunan. At kung titingnan ang pinakahuling result ng SWS, tanging si De Lima lamang ang nakapasok sa Magic 12 ng senatorial race survey. Totoo nga ba ang kasabihang, “ang politika ay mundo ng kalalakihan?”
Hayaan nating magtulong-tulong tayo at makapaghalal ng maraming bilang ng kababaihan sa Senado. Ang kayang gawin ng kalalakihan ay higit na kayang gawin ng mga kababaihan. Ang interes ng mahihirap ay higit na magagampanan ng mga kababaihan lalo na sa gawaing lehislatura.