Friday , November 15 2024

DOJ, NBI dapat pakilusin vs ‘tanim-bala’ sa NAIA

00 Kalampag percySA AYAW at sa gusto ng Malacañang, sa administrasyong Aquino ang balandra ng talamak na operasyon ng sindikatong ‘tanim-bala’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

At kung hindi pa malulutas ang katarantaduhang ‘yan sa lalong madaling panahon, “Tanim-Abala” International Airport  na lang ang itawag natin sa airport na isinunod pa mandin ang pangalan sa yumaong ama ni PNoy.  

Kahiya-hiya na ang nangyayari, at bukod sa tinaguriang worst airport in the world, ang NAIA ay naging kuta na rin ng mga empleyadong kriminal na ang libangan ay mangikil kesehodang perhuwisyohin at wasakin ang kinabukasan ng mga pasahero kumita lamang sila ng salapi. 

Kailangan kumilos na rin ang Department of Justice (DOJ), imbes payagang magamit ng sindikato pati ang Pasay City Prosecutors Office sa kanilang kawalanghiyaan.

Ang pagtanggap ng Prosecutors Office ng reklamo laban sa mga biktima ng tanim-bala sa airport ay lalong nagpapalakas-loob lang sa mga tauhan ng Office of Transportation Security (OTS) ng DoTC na nakatalaga sa X-ray ng NAIA at ng mga kasabwat nila para umabuso.

Sigurado tayong ikakatwiran lang ng mga fiscal na sinusunod lang nila ang proseso sa pagtanggap ng mga complaint at pagsasampa ng kaso sa husgado kahit sabihin pang labag sa sentido-kumon na ultimo bata at matatandang babae ay sinasadya talagang magpuslit ng isang pirasong bala na wala namang baril.

Kung tutuusin, madaling matutukoy at matutunton ang mga salarin na gumagawa nito kung gugustuhin ng Department of Justice (DoJ) kung agad ipag-uutos ni Secretary Alfredo Caguioa sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pag-iimbestiga sa kalokohang nangyayari.

Kasabay ng pagtatalaga sa NBI, dapat din magpalabas ng Circular sa kanyang mga prosecutors si Secretary Caguioa na magtatakdang idideretso sa kanyang opisina basta kasong may kinalaman sa tanim-bala.

Isailalim karaka sa automatic review ang lahat ng kasong may kinalaman sa tanim-bala at agad palayain ang kinasuhan upang maiwasan na masangkot ang sinomang prosecutor sa posibleng pakikipag-sabwatan sa sindikato sa NAIA.

Maaari rin magtalaga ng prosecutor si Caguioa sa NAIA para matiyak naman ng mga pasahero na may kakampi sila sa gobyerno, bukod pa sa abogado ng Public Attorney’s Office (PAO) na itatalaga ni Atty. Persida Acosta sa paliparan upang magbigay ng legal assistance sa biktima ng ‘tanim-bala.’

Noong May 2, 2012, si dating Justice Secretary Leila de Lima ay nag-isyu ng Department Circular Number 2 na nagsasaad na isasailalim ng kanyang tanggapan ang lahat ng drug related cases at palalayain ang akusado habang nire-review ang kaso.

Puwedeng-puwedeng gawin ito ni Caguioa sa kaso ng ‘tanim-bala’ na hindi naman heinous crime, kompara sa drug related cases na pinuntirya ni De Lima.

Kung mangyayari ito, baka sakaling matahimik ang kalooban ng ating mga kababayan at dayuhang pasahero sa NAIA na laging sakmal ng pangamba at takot.

Patagin ang daan sa Immigration

ISA pang hindi masugpong katiwalian sa bakuran ng DoJ ang sindikato sa Bureau of Immigration (BI) sa talamak na pagpapatakas sa mga puganteng dayuhan kapalit ng malaking halaga o freedom for a fee mafia.

Sa direktiba na rin ni Caguioa, ay muling naaresto sa ikaapat na pagkakataon si Cho Seong Dae, Korean national fugutive na nagtatago sa bansa.

Tatlong beses nakatakas si Cho sa kustodiya ng mga ahente ni BI Commissioner Siegfred Mison, una noong Setyembre 11, 2015 mula sa ospital; ikalawa sa BI Detention Center sa Bicutan; at ikatlo ay mula sa ISAFP Detention Center.

Nang mag-imbestiga raw ang militar sa pagtakas ni Cho mula sa baukuran ng ISAFP, balita nati’y may nakitang P100,000 sa bulsa matapos kapkapan ang nagbabantay na ahente ni Mison.

Extortion ang kaso ni Cho sa South korea kaya kung eksperto siya sa pangingikil hindi kataka-takang mahusay rin siya sa panunuhol.

Hindi na mabibilang sa daliri ang mga kuwestiyonableng pagtakas ng mga dayuhang kriminal sa BI kaya marami ang nagtataka kung bakit hindi nasisibak si Mison sa kanyang puwesto.

Balewala rin kay Mison ang pagbatikos ni PNoy tungkol sa pagtakas noon ng magkapatid na Reyes, pangunahing akusado sa pagpatay kay Doc Gerry Ortega at pagpuga ng Korean fugitive na si Kim Tae Dong, nang dumalo siya sa anibersaryo ng BI noong 2012.

Aanhin ang ‘tuwid na daan’ kung lubak-lubak naman?

Mr. President, pakipatag n’yo na lang po ang mga lubak ni Mison sa BI!

Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]

About jsy publishing

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *