Friday , November 15 2024

‘Suspek’ utas sa bugbog sa Sta. Ana police station (Kaanak sumisigaw ng katarungan)

Gerardo ArgutaUMIIYAK ang babaeng kapatid at pamangkin nang dumulog sa tanggapan ng pahayagang ito dahil sa karumal-dumal na pagkamatay ng kaanak nilang  carwash boy na nakapiit sa detention cell ng Sta. Ana police station, sa Sta. Ana, Maynila nitong Linggo ng hapon.

Si Gerardo Arguta, Jr., 45 anyos, ay huling nakita ng kanyang kapatid nang hatiran nila ng pagkain nitong Linggo dakong 11:10 ng tanghali sa nasabing himpilan ng pulisya.

Ayon sa kapatid ni Arguta na si Josephine, 52 anyos, halos madurog ang kanyang puso nang makitang namamaga ang mukha ng kanyang kapatid at ang kamay na tila naging ‘boxing gloves’ dahil sa labis na pamamaga at punong-puno ng pasa ang dibdib at iba pang bahagi ng katawan ganoon din ang magkabilang hita at binti.

Sa ulat ng pulisya, ang biktimang namatay ay inatake umano ng epilepsy habang isinasalang sa inquest proceedings sa kasong pangmomolestiya sa isang paslit.

Ayon sa ulat ni Supt. Robert Domingo, station commander ng Manila Police District – Sta. Ana Police Station 6, nitong Oktubre 24 (Sabado) bandang 5 a.m., isang Romeo Concepcion, barangay tanod ng Brgy. 902, Zone 100, ang nagdala sa kanilang himpilan kay Arguta dahil umano sa pangmomolestiya sa isang paslit sa roof top ng tenement.

Kinabukasan, Oktubre 25 (Linggo) dakong 2:30 p.m. dinala sa Inquest Fiscal si Arguta kasama nina PO1 Keith Aris Manuzon at PO1 Kenneth Campos ngunit habang nasa harap ni prosecutor Ma. Josefina Concepcion, nangisay ang suspek kaya isinugod sa pagamutan ngunit hindi na umabot nang buhay.

Sa panayam ng pahayagang ito sa kaanak ng biktima, si Arguta ay sapilitang dinala ng isang barangay tanod na kinilalang isang alyas Budoy at dinala sa barangay hall ni Chairman Edgar Adelante at sinabing siya umano ay may minolestiyang menor de edad.

Pinosasan si Arguta, ng isang alyas Bunso, jeepney barker, kaibigan umano ng barangay tanod na si Budoy.

Naniniwala ang mga kaanak ni Arguta na sina Budoy at Bunso ang nagdala kay Arguta sa Punta PCP saka dinala sa himpilan ng MPD PS6 sa Plaza Hugo.

Itinanggi rin nila na epileptic si Arguta at pinanindigan na hindi rapist o gumagawa ng ano mang labag sa kabutihang asal ang kanilang kaanak.

Ayon sa pamangkin ni Arguta na si Shirley, “Kahit sino po ang tanungin nila sa Tenement, matulungin po siya at hindi po nanalbahe ng kapwa.

“Nabubuhay po siya sa paglilinis ng pitong pampasaherong jeep, regular po iyon. Naglilinis po siya ng jeep kahit utang, minsan nga libre, pero hindi siya pumapasok sa pakikipag-away,” dagdag ni Shirley.

“Ate ilabas na po ninyo ako, hindi ko na po kaya…” ito umano ang huling habilin ni Arguta sa kanyang kapatid nang huli nilang makausap habang nakapiit sa MPD PS6.

Sinabi rin umano ng mga preso na tubo ang ipinamalo sa namamaga at pasa-pasang katawan ng namatay na si Arguta.

Sa huli, sinabi ni Josephine na katarungan ang hangad nila para sa kanilang kapatid na si Gerardo.

Exclusive Report ng HATAW News Team

About Leonard Basilio

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *