HINDI pa man nasasagot nang maayos ang kasong graft na inihain sa isang mataas na opisyal ng Bureau of Immigration (BI), pinagpapaliwanag na ng Malacañang si Commissioner Sigfried Mison sa loob ng 10 araw kung bakit misteryosong nakalaya ang isang puganteng Chinese sa kanilang Warden Facility sa Bicutan.
Inatasan ng Malacañang si Mison na sagutin sa loob ng 10 araw ang ‘misteryosong pagpapalaya’ sa puganteng Chinese na si Fu Gaofeng sa BI Warden Facility sa Bicutan.
Sa direktiba ni OP Deputy Executive Secretary for Legal Affairs Menardo Guevarra, inutusan niyang magpaliwanag si Mison kung bakit naghain ng kaso laban sa kanya si BI intelligence officer Ricardo Cabochan upang mapag-aralan ng Palasyo at madetermina kung kailangang magsagawa o hindi ng imbestigasyon.
Inakusahan ni Cabochan si Mison na tumulong sa pagpapalaya kay Fu, isa umanong matibay na kaso ng paglabag sa umiiral na Immigration law.
Kung hindi sasagot si Mison sa loob ng 10 araw, mapipilitan umano ang Malacañang na paimbestigahan si Mison kaugnay ng nasabing insidente.