KAKAIBA ang ipinalathalang dalawang-katagang obituary ng isang lalaki sa North Dakota sa lokal na pahayagan sa kanyang lugar.
Simple lang ang ipinalathalang death notice, o obituwaryo, sa pagpanaw ni Douglas Legler sa pahayagang Forum ng Fargo-Moorhead: “Doug died.”
Makikita rin sa sinasabing ‘masterpiece of brevity’ ang larawan ng 85-taon-gulang na jokester na hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay ay nakapagbato pa ng matinding biro.
Ayon sa anak ng yumao na si Janet Stoll, sa panayam ng pahayagan: “Paulit-ulit niyang sinasabi noong buhay pa siya, sa sandaling mamatay na ako, gusto kong nakasaad sa obituwaryo ko na “Doug Died.”
Dagdag ni Stoll: “Mababaw lang ang kaligayahan ng ama ko at talagang matindi ang kanyang sense of humor.”
Ang anak ni Legler ang siya na mismong nagpuno sa mga kakulangan sa ‘sign-off’ ng kanyang ama.
Noong nabubuhay, nagtrabaho si Leg-ler bilang isang lorry driver at naging vending machine repairman at pintor din ng mga kagamitan sa farm.
Sa kanyang spare time, mahilig siyang umawit ng country music at paminsan-minsan ay nagpupunta sa casino para mag-libang.
Naikubli rin ng kanyang sense of humor ang kanyang kalungkutan—naunang pumanaw ang kanyang partner noong nakaraang taglagas habang ang kanyang maybahay, ang ina ni Stoll, ay yumao may 17 taon na ang nakalilipas.
Kinalap ni Tracy Cabrera