Silang mga taga- Sinagtala
Hataw News Team
October 9, 2015
Opinion
SA PALIBOT ng magagarang kabahayan at nagtataasang gusali, ang magulo, siksikan at maingay na lugar ng Sinagtala ay maituturing na nilimot ng kaunlaran at tulong mula sa lokal na pa-mahalaan ng Quezon City.
Lugar na kung tawagin ay pugad ng mga maralitang tagalungsod, ang Sinagtala ay matatagpuan sa Bahay Toro, Proj. 8, Quezon City. Nililibak ang lugar dahil sa talamak na droga, nakawan, sugal at iba pang bisyo, ang Sinagtala naman ngayon ay pinaglalaruan ng mga politikong kakandidato sa halalan.
Nagsisimula nang dumami sa palibot ng Sinagtala ang mga tarpaulin ng mga ganid na politiko kasabay ng pag-asang bibigyan sila ng ‘tulong’ ngayong darating na eleksiyon. Sa kabila nito, ang mga batang palaboy at istambay ay dumarami at ang kahirapan sa Sinagtala ay lalong tumi-tindi.
At sa kakarampot at panandaliang tulong ng mga politiko sa darating na eleksiyon, buong pusong tatanggapin ito ng mga residente ng Sinagtala. Pero hindi ito sapat sa patuloy na paghihirap na dinaranas ng mga taga-Sinagtala. Walang trabahong maibigay ang pamahalaan ng QC, at walang maibigay na tulong na maaaring mapaunlad ang kanilang mga kakayahan bilang bahagi ng lipunan.
Sina Tepo, Jek, Jovy, Peter, Popoy, Tupas, Billy, Naniong at iba pang mabubuting nilalang sa Sinagtala ay magiging latak din ng lipunan dahil sila ay lalamunin ng kahirapan.
Kailangang kumilos ang pamahalaan at tulungang paunlarin ang kabuhayan ng taga-Sinagtala.