Bawas buwis una sa Grace-Chiz
Hataw News Team
October 9, 2015
News
IKINALUGOD ni Valenzuela Mayor at Nationalist People’s Coalition spokesman Rex Gatchalian ngayong Huwebes ang paninindigan ni presidential frontrunner Sen. Grace Poe at ng kanyang katambal na si Sen. Chiz Escudero “na iangat ang antas ng talakayan” at pagtuon ng atensiyon sa mga usaping higit na mahalaga para sa mamamayan gaya ng isyu sa tax reform sa kabila ng sunod-sunod na panghahamak laban sa dalawa mula nang magpahayag noong Setyembre ng planong pagtakbo sa mas mataas na katungkulan.
“Ipagpaumanhin po ninyo pero ang kanilang tugon sa di-makatuwiran at pang-iinsulto sa kanilang pagkatao ay mailalarawan sa tatlong salita: grace under pressure.”
Ayon kay Gatchalian, “imbes sabayan ang mababang uri ng diskusyon ng mga nambabatikos sa kanila, mas pinili ni Sen. Grace at Sen. Chiz na manatili sa paghahayag ng kanilang plataporma at sa pagtalakay ng mga isyung bumabagabag sa bansa.”
“Dahil sa kanilang pagbibigay-diin na kailangan ng bansa ang inclusive growth at sa kahalagahan ng pagtitiyak na walang maiiwan sa adhikain ng pag-unlad, kabilang na ang panawagang ibaba ang income tax, nakita natin na ang tambalang Poe-Escudero ay batid kung ano ang higit nating kailangan sa kasalukuyan kaya napilitan ang ibang mga kandidato at partido na isaalang-alang sa pagbalangkas ng kanilang mga plataporma ang mahihirap at ang mga napapagkaitan sa lipunan,” paliwanag ng tagapagsalita ng NPC.
Partikular na tinukoy ni Gatchalian ang biglang pagpalit ng paninindigan sa isyu ng tax reform ni Liberal Party (LP) vice presidential candidate Rep. Leni Robredo na nagpahayag ng pagsang-ayon sa mga panawagan ng reporma sa sistema ng pagbubuwis sa kabila nang paulit-ulit na pagtutol ng administrasyon at ng kandidato ng LP bilang pangulo na si Mar Roxas, na nagsabing ang kapalit ng pagpapababa ng income tax ay pagtanggal ng mga proyekto ng gobyerno.
Ngayong linggo lamang, sinang-ayunan ni Robredo ang mga panawagan sa reporma ng pagbubuwis kasabay ng pahayag na kailangan na itong “i-overhaul” dahil ang mga kawani ng pamahalaan at ang mga empleyado sa pribadong sektor ang kumakarga ng bayaring ito.
Ikinatuwa rin ni Gatchalian na muling iginigiit ng Pangulo ang kahalagahan ng inclusive growth bilang bahagi ng plataporma sa pangangasiwa.
Sa kanyang talumpati noong Martes, inulit ni Aquino ang panawagan ni Poe at Escudero na dapat makinabang ang lahat sa kaunlaran.
“Kaya ang atin pong panata: inclusive growth. Sa Daang Matuwid, walang maiiwan. Samot-saring programa ang ating pinag-isipan at inilunsad upang bigyang-lakas ang ating mamamayan para makilahok sa pag-asenso ng lipunan.”
Sa talumpati ni Poe nang magdeklara noong Setyembre, sinabi ng senadora na ilalatag niya ang isang komprehensibong programa na magtitiyak na wala ni isang Filipino o rehiyon ang maiiwan at magsisiguro na lahat ng Filipino ay makikinabang sa pag-unlad ng bansa.
“Sa mga susunod na araw, ihahain ko po ang isang komprehensibong programa na naka-sentro sa simpleng prinsipyo at paniniwala: walang maiiwang Filipino at walang maiiwang lugar sa Filipinas. Sabay-sabay tayong aangat at sama-sama tayong uunlad!”
“Naninindigan si Sen. Grace at si Sen. Chiz na ito dapat ang direksyon ng kampanya, at kagaya nila, umaasa kaming iwawaksi ng lahat ng kinauukulan ang black propaganda at paiiralin ang constructive na talakayan,” ayon pa kay Gatchalian.