It’s final… MAR-LENI na
Hataw News Team
October 6, 2015
News
NATAPOS na ang ilang linggong hulaan at usap-usapan kung sino talaga ang magiging running mate ni Mar Roxas para sa nalalapit na eleksiyon sa Mayo 2016.
Kahapon, sa makasaysayang Cory Aquino Kalayaan Hall sa Club Filipino ay idineklara na ni Camarines Sur Third District Representative Leni Robredo na tinatanggap niya ang hamon ng Daang Matuwid.
“Ngayon, meron na tayong Mar, may Leni pa. Sigurado tayong itutuloy nila ang Daang Matuwid,” sabi ni Pangulong Benigno S. Aquino III, ang kinikilalang arkitekto ng Daang Matuwid.
Sa kanyang mensahe ay ipinaliwanag ni Robredo na mahirap ang naging proseso ng pagdedesisyon nila ng kanyang pamilya ngunit malinaw ang kanilang dapat maging tugon. “Kung buhay lamang si Jesse at tinanong siya kung bayan o sarili, alam na natin ang isasagot niya,” ani Robredo.
Ang nabanggit ni Cong. Robredo na “Jesse” ay kanyang yumaong asawang si dating DILG at Ramon Magsaysay Awardee na si Jesse Robredo, na pumanaw noong 2012 nang bumagsak ang sinasakyang eroplano.
Kinikilala ni PNoy ang pinagdaanan ng pamilya Robredo para punan ang naiwan ng kanilang padre de familia.
“Salamat sa iyo, Leni, at sa iyong mga anak,” bigkas ni PNoy. Inihalintulad niya si Congresswoman Robredo sa kanyang yumaong ina na si dating Pangulong Corazon Aquino.
“Parehong biglang nawalan ng asawa, parehong itinuring na simpleng maybahay lamang, parehong tinawag ng taong bayan,” sabi niya.
Sinigurado ni PNoy na buong puwersa niya ang ilalagay sa likod ng tandem ng pambatong Daang Matuwid. “Gagawin ko at ng ating partido ang lahat para iparamdam na hindi kayo nag-iisa,” pahayag niya.
Ipinangako rin niyang mas masigasig ang kanyang pangangampanya para sa Mar-Leni tandem kaysa noong sarili niyang kampanya.
Binalaan ni PNoy ang mga kalaban sa politikang nagbabalak isama o gawan ng isyu ang mga anak ni Robredo. “Mula nang namatay si Jesse ay maraming naging foster father ang mga batang ito,” sabi ng Pangulo. “Kapag sila pa ang nasama dito, personalan na ito,” bitiw niya.