Grace-Chiz panalo sa reporma sa buwis (Para sa middle at lower class)
Hataw News Team
October 6, 2015
News
MARIING tinuran ngayong Lunes ni Camarines Sur Rep. Rolanda Andaya Jr., na lubos na ang mahihirap at middle class ang higit na makikinabang sa panukalang mas pinababang income tax na isinusulong ng presidential frontrunner na si Sen. Grace Poe at ng kanyang vice presidential runningmate na si Sen. Chiz Escudero.
“Ang mga usapin hinggil sa ekonomiya tulad ng presyo at sahod ang pinakamabigat sa mga bumabagabag sa mga kababayan nating botante, at ang pagreporma sa umiiral na sistema sa pagbubuwis ay may direktang epekto sa mga alalahaning ito. Malinaw ang giya ng polisiya ni Sen. Grace at Sen. Chiz na patungo sa direksyon ng pagpapababa ng bayaring buwis, kung saan ang mga nasa middle class kasama ang mga pirmihang sumusuweldo ng buwanang sahod sa bansa ang higit na makikinabang,” paliwanag ni Andaya.
“Malaking tulong sa middle class ang mga panukala tungo sa reporma sa pagbubuwis sa bansa. Kung ikaw ay isang empleyado o manggagawa na sumusweldo ng P30 libo kada buwan at ikaw ay binata o dalaga at walang nakaasang dependent sa ‘yo, maaari kang mag-uwi ng karagdagang isang libo buwan-buwan kung maisasakatuparan ang mga panukalang reporma sa pagbubuwis; malaking tulong ‘yan,” pagbibigay-diin ng mambabatas.
Sa Cebu noong nagdaang Sabado at Linggo, muling iginiit ni Poe ang patuloy nilang pagsuporta ni Escudero sa mga panukala tungo sa reporma sa kasalukuyang panuntunan sa pagbubuwis kasabay ng pagdedeklara ng katiyakang magsusulong ng mga paraan upang bawasan ang mga income tax sa gitna ng “pag-abandona” ng administrasyon sa adhikaing ito.
“Sinuportahan namin ang bill ni Sen. Sonny Angara, ni Cong. Miro Quimbo na magkaroon talaga ng adjustment sa tax rate. Makaaasa kayo na kung saka- sakaling kami ay pagpalain at bigyan ng pagkakataon, isa talaga iyan sa prayoridad namin,” ayon kay Poe.
Ayon kay Andaya, “ang tax relief at ang progresibong reporma sa pagbubuwis ang tanging paraan upang ibsan ang tila dahan-dahang kamatayan na nararamdaman ng middle class at ng mga nasa mababang antas ng lipunan dulot ng pahirap sa ilalim ng umiiral na panuntunan sa pagbubuwis. Isa itong urgent o agarang usapin na dapat pagtuunan ng atensyon ng administrasyon, lalo na ngayong nailatag na ni Sen. Chiz ang solusyong tatawid sa mga isyung hindi mapagkasundu-sunduan ng mga panig.”
Noong Linggo lamang, nagpanukala si Escudero para sa isang pagpupulong ng sangay ehekutibo at mga kinatawan mula sa Kongreso upang tukuyin at pagkasunduan ang mga walang saysay na pagkakagastahan ng gobyerno o “non-essential expenditures” na maaaring tanggalin sa national budget para tuluyan nang mapagtanto ng dalawang panig ang mga paraan upang bigyan ng kapahingahan ang milyon-milyong Filipinong nagtitiis dahil sa hindi-makatarungang pagbubuwis.
“Saglit nating kalimutan ang ambisyon. Huwag nating pahiran ng politika ito, wala munang parti-partido, walang camera. Kung makahahanap tayo ng sapat na halagang kailangan upang punan ang mawawalang koleksyon ng gobyerno dahil sa tax cut, pagsaluhan natin ang sarap ng tagumpay. Iyan naman talaga ang mandato at nararapat na pagtingin ng bawat sangay ng gobyerno: ang makipagtulungan,” ayon kay Escudero sa isang pahayag.
Ilang mahahalagang panukalang batas sa pagbubuwis ang nakabitin pa rin sa parehong kapulungan ng Kongreso, ngunit biglang nagbitaw ng pahayag si House Speaker Feliciano Belmonte na malabo na umanong maipasa ang mga iyon dahil sa kawalan ng sapat na panahon – sa kabila ng nauna nitong pagsuporta sa mga panukala. Tahasan naman ang pagkontra ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa ano mang uri ng pagpapababa ng income tax, na sinundan din ng mariing pagtutol ng pambato ng Liberal Party na si Mar Roxas.
Ilang panukalang batas sa Kongreso ang nagsusulong sa mas pinababang maximum income tax na nasa 32 percent sa kasalukuyan tungo sa mas angkop na antas na mahigit 25 percent.