NAGING usapin ang iba’t ibang ulat ng ‘doomsday scenario’ sa pagwawakas ng mundo.
Nitong nakaraang buwan, isa pang paggunaw ng daigdig ang kumalat bilang prediksyon na kung saan isang dambuhalang asteroid ang pumapaimbulog tungo sa mundo, at maaaring tumama sa planeta hanggang sa unang linggo sa susunod na buwan ng Oktubre.
Kabilang sa mga naghuhula nito ay ang self-proclaimed propetang si Efrain Rodriguez, na ang mga prediksyon ay batay sa tinaguriang ‘Blood Moon Prophecy’—isang serye ng apat na kulay dugong buwan n naganap sa nakalipas 18 buwan.
May katotohanan nga kaya sa mga ulat na ito?
Hindi ito pinaniniwalaan ng United States National Aeronautics and Space Administration (NASA).
Kasunod ng mga sinasabi sa social media na malapit na ang pagwawakas ng daigdig, nabunsod ang NASA na maglabas ng opisyal na pahayag ukol sa prediksyon bilang isang kalokohan lamang.
“Walang scientific basis para dito—wala ni isang ebidensya—na tatamaan ang ating mundo ng malaking asteroid sa sinabing mga panahon,” pahayag ni Paul Chodas, manager ng Near-Earth Object office ng NASA sa Jet Propulsion Laboratory sa Pasadena, California.
Ayon sa mga prediskyon, magaganap ang impact ng asteroid malapit sa Puerto Rico na siyang magbubunsod ng pagkagunaw ng planet Earth.
Tinugon ito ni Chodas na kung sakaling may magaganap ngang ganitong pagbangga ng asteroid sa mundo ay dapat lang na nalaman ito ng mga siyentista simula pa lang ng taon.
Walang natagpuan ang Near Earth Object Observations Program na alinmang kometa o malaking bagay na banta sa mundo sa kalapit na panahon.
Sinabi rin ng NASA na may 0,01 porsyentong posibilidad na tumama ang isang asteroid sa ating planeta hanggang sa susunod na siglo.
Kinalap ni Tracy Cabrera