Tolentino may delicadeza pa ba?
Hataw News Team
September 25, 2015
Opinion
KAMAKAILAN sa isang salo-salong pananghalian, namaalam na si Metropolitan Manila Development Authority chairman Francis Tolentino sa kanyang mga tauhan. Bago ito, namaalam na rin siya sa Metro Manila mayors. Iba’t ibang habilin din ang kanyang ibinigay sa kanila.
Hindi naman lingid sa marami na gustong maging senador nitong si Tolentino, kaya nga imbes atupagin ang pagsasa-ayos ng trapiko sa Metro Manila ay kung saan-saang lugar sa labas ng Metro Manila siya nagtutungo at ikinakampanya na ang sarili.
Ito rin ang dahilan kung bakit itinalaga ni Pangulong Noynoy Aquino ang PNP Highway Patrol Group para mangasiwa ng trapiko sa EDSA – dahil nga wala nang silbi ang MMDA sa ilalim ni Tolentino para resolbahin ang araw-araw na parusang trapiko.
Ang nakapagtataka rito kay Tolentino nagawa na niyang mamaalam sa mga tauhan niya sa MMDA at sa mga alkalde ng Kamaynilaan ay kung bakit ayaw pa rin ni-yang magbitiw sa kanyang pwesto. Kung tutuusin nga ay ‘sinibak’ na siya ni Noynoy matapos i-appoint ang HPG para ayusin ang trapiko na hindi maayos-ayos nitong si Tolentino. Kung bakit nangugunyapit itong si Tolentino sa kanyang pwesto ay isang indikasyon na mala-tabla lang siguro ang pisngi niya sa kawalan ng delicadeza.
Ganitong uri ba ng kandidato ang na-naisin nating tulungan sa nalalapit na halalan, isang opisyal na hindi man lang marunong mahiya? Ano na lang ang mangyayari kung sa sandaling siya ay naluklok na sa pwesto? Nanaisin ba na-ting madagdagan ang mga halal ng bayan na hindi nakauunawa ng salitang delicadeza?