Pinoy nurse 4 buwan kulong sa Singapore
jsy publishing
September 23, 2015
News
APAT na buwan pagkakakulong ang inihatol sa isang Filipino nurse na si Ello Ed Mundsel Bello sa Singapore dahil sa kasong sedition at pagsisinungaling sa mga awtoridad.
Kasunod ito nang pagpo-post niya sa social media website na Facebook nang mapanirang komento hinggil sa mga Singaporean.
Kinompirma ni Foreign Affairs Assistant Secretary Charles Jose, kinasuhan ng 1 count of sedition at 2 counts ng pagbibigay ng false statements sa public servant ang dating nurse sa Tan Tock Seng Hospital.
Nabatid na binigyan ng private lawyer si Bello na naghanda ng kanyang depensa.
Ngunit nitong Lunes, Setyembre 21 ay hinatulan siya tatlong buwan pagkakakulong dahil sa mga isinulat niya laban sa Singapore at isa pang buwan dahil sa pagsisinungaling sa mga pulis. Blacklisted na rin siya sa nasabing bansa.
Makaraan ang apat na buwan pagkakakulong, “papaalisin na po siya ng Singapore, babalik na po siya ng Filipinas,” ani Jose.
Hindi na sasaluhin ng Filipinas ang pagbabalik-bansa ni Bello.
Paalala ni Jose sa mga Filipino na nagtatrabaho sa ibang bansa, “sana po maging lesson sa mga kababayan natin na mag-ingat sa kanilang pananalita, sinusulat, sinasabi dahil sa tingin natin ay harmless but in some countries, mahigpit nga po when it comes to security laws.”
Pebrero 2 nang mag-post sa Facebook si Bello ng “Singaporeans are loosers (sic) in their own country, we take their jobs, their future, their women and soon we will evict all SG loosers (sic) out of their own country hahaha.”
Sa sunod na komento, sinabi niya, “we will kick out all the Singaporeans and SG will be the new Filipino state.”
Una rito, itinanggi ito nng nurse at sinabing na-hack ang kanyang account ngunit inamin din ni Bello na siya ang nagsulat ng mga mapanirang komento habang siya ay iniimbestigahan.