Mister nagbantang tatakas para patayin din si misis (Suspek sa pagpatay sa 3 anak)
Leonard Basilio
September 14, 2015
News
“IPARATING ninyo sa asawa ko, pipilitin kong makatakas dito para patayin siya.”
Ito ang isinumbong ni Angelie Reformado, 36, ng 1862 Dapitan St., Sampaloc, Maynila, kay SPO1 Alonzo Layugan, ng Manila Police District-Homicide Section, na aniya’y banta ng kanyang asawang si Rolando na pumaslang sa kanilang tatlong anak noong Setyembre 1, makaraang dumalaw ang ina ng suspek na si Lourdes sa MPD-Integrated Jail kamakalawa.
Nabatid na si Rolando ay dinala sa MPD-Integrated Jail nitong Biyernes.
“Noong sabihin iyon ng suspek sa nanay niya, ipinarating nga nito sa kapatid ni Angelie, kaya nagsuguran pa rito si Angelie at ‘yung kapatid niya at isinumbong ‘yung sinabi ni Rolando,” ayon kay Layugan.
Sa panayam kay Rolando kahapon, hindi niya itinanggi ang kanyang sinabi gayonman sinabi niyang “Sa palagay n’yo ba magagawa ko pa iyon sa kanya sa kalagayan ko ngayon, kahit nga bitayin ako tatanggapin ko na.”
“Sabihin n’yo na lang sa asawa ko, malayang-malaya na siya at magagawa na niya ang lahat nang gusto niya sa buhay niya, ako hindi na ako umaasa na makakalabas pa rito,” ayon kay Rolando.
Sinabi niyang noong ginawa niya ang krimen sa mga anak na sina Jonel,14; Junli, 9; at Janel, 5, ay hindi siya ‘bumatak’ ng shabu.
“Paminsan-minsan lang naman ako gumamit no’n, gusto ko lang kasi na magsama-sama na kaming mag-aama at bahala na siya sa buhay niya, tutal naman ‘e ginagawa niya ang lahat nang gusto niya, sabi nga niya ay rebelde daw siya, aalis siya, iiwanan niya ‘yung anak niya tapos tatawagan siya, tatanggalin niya ‘yung sim card ng cellphone niya,” dagdag ni Rolando.
Nailibing na sa Manila North Cemetery ang labi ng tatlong bata at nasampahan na ng tatlong counts ng parricide sa Manila Prosecutors Office ang suspek.
Hinihintay na lamang ang commitment order para mailipat na sa Manila City Jail ang suspek.