Nagsimula ang kanyang singing career sa Iligan City taong 2000 at hindi siya produkto ng singing contest at ang katwiran ng baguhang singer, ”Takot ako sa failure,” ani Muffet sa ginanap na album launch nito sa Hard Rock Café noong Agosto 16, Linggo.
Tulad din ng sinasabi ng ibang singers na nagsisimula, ”gusto ko lang naman ay i-share ang aking talent,” sabi ni Muffet.
Mula sa kanyang home province, nagtungo si Muffet sa Manila para mapalawak ang kanyang kapalaran sa pagkanta.
Taong 2009 nang magsimula ang kanyang pagiging lounge singer sa mga five-star hotel gaya ng Dusit Thani Hotel, Makati Shangri-La Hotel at iba pa na naging dahilan para madiskubre siya ng foreign artist at may pusong Pinoy na si Sheldon Geringer na siya ring tumatayong Executive Producer ng kanyang debut album, M.U.S.I.C o Magandang Umaga, Sun Is Coming.
Bale ba, ito rin ang titulo ng carrier single na napapanood ngayon sa MYX Music Channel.
Si Geringer din ang nagsulat ng karamihan sa mga kanta sa nasabing album, kasama ang multi-awarded composer na si Vehnee Saturno.
Iba-iba ang tunog na maririnig mula sa mga kanta sa album, Meteor, Akin Lamang, Make You Mine, Race Car, Lahat ay Ikaw, at Bad Tonight, Where is our Happiness, at Huwag Kang Lalayo. Isa sa highlight ng album ay ang duet ni Muffet sa isang promising singer na si Webb.
“Ako raw ang singer na nababasa nila kung ano ang nararamdaman ng aking puso. I would rather express than impress with my music,” ani Muffet.
Tamang timpla ang mga composition nina Geringer at Saturno. Lalo na’t ang recording nito ay sa ilalim ng pamamahala ng Saturno Music Studio. Isa si Muffet sa mga voice teacher ng Vehnee Music Training Center sa mga aspiring singer na gusto ring maging recording artist gaya niya.
Pinakinggan namin ang album niya at nagustuhan namin ang M.U.S.I.C. dahil puwedeng soundtrack ng isang morning show dahil nakaka-good vibes.
FACT SHEET – Reggee Bonoan